metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Tema ng debate

97

Sa pagsisimula ng election period noong January 13, umarangkada na rin ang kaliwa’t-kanan na segment ng mga radio and tv stations tungkol sa interview ng mga senatorial wannabe.

Pini-prisinta ang plataporma, programa at reaksiyon sa ibat-ibang mga isyu sakaling mabigyan sila ng pagkakataon na maglingkod sa Senado.

Bukod pa dito ang pag-iikot sa ibat-ibang mga lugar at infomercials sa print at broadcast media kung may budget ang mga kandidato.

Ilan sa sistema ng mga senatorial wannabe ngayon na binubuhos ang mga infomercial dahil bukod sa mas mababa pa ang rate, kailangan ang awareness sa publiko.

Meron din naniniwala na kapag naibuhos na ang infomercials sa media at ibat-ibang platform ng social media, baka daw makahabol ang ilan sa mga nangungulelat sa mga survey.

Sa ngayon, mas lamang pa rin sa mga survey ang mga re-electionist, mga dating Senador na gustong bumalik sa Senado at mga may recall ang apelyido.

Kapag nag-shift na ang kampanya sa mga Senatorial debate, makakaapekto kaya ang ilang isyu na ibabato at dapat sagutin ng mga kandidato?

Bukod kasi sa plataporma, mainit ang publiko sa isyu ng katiwalian. Dito na mauungkat ang mga kontrobersya sa pondo ng bayan.

Ilan sa mga kumakandidato sa pagka-Senador ay nahaharap sa pork barrel scam.

Paano ang atake at paraan ng pagsagot sa isyung ito? Di biro ang milyones na pondo ng gobyerno ang umanoy naibulsa mula sa buwis ni Juan dela Cruz.

Sabi ng ilang political analyst, sapat na ang usaping ito para mag-isip ng mabuti ang mga botante.

Kung ang pagkilatis na gagawin ng mga botante ay performance at hindi nasangkot sa katiwalian, masasabi natin na baka mas karapat-dapat ang mga mahahalan sa midterm elections.

Pero kung mananaig ang “mababaw” na criteria ng mga botante at pipili lang ng mga kilala, pogi, maganda at sikat, huwag na tayo magtaka kung sila uli ang maluluklok sa Senado.