metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Smartmagic

550

Posibleng magpatawag next week ng hearing ang Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon tungkol sa umanoy dayaan noong 2016 elections.

Giit ni Senate Majority Floorleader Tito Sotto, dapat huwag nang patagalin ang hearing para maagapan ang panibagong problema ng dayaan sa nalalapit na 2019 midterm elections.

Sa ngayon, ayaw banggitin ni Sotto kung sino ang mga kandidatong nakinabang at kung sino ang mga nabawasan o nanakawan ng boto.

Unfair anya kung ibubulgar niya ang mga pangalan na hindi na-verify base lang sa mga nai-feed sa kanyang impormasyon mula sa kanyang source.

Inaasahan ang pagpapalabas ni Gordon ng subpoena duces tecum para masuri ang mga dokumento ng comelec at smartmatic sa discrepancy ng election results sa maraming lugar sa bansa.

Maraming nagduda sa motibo ng privilege speech ni Sotto noong Martes.

Panlihis ba ito sa mga isyung kinahaharap ng Duterte administration gaya ng quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno?

May ilang sektor naman ang nagsasabi na baka agenda ito para mapalakas ang election protest ni dating Senator Bongbong Marcos sa resulta ng Vice Presidential election kung saan ang nanalo umano ay si Leni Robredo.

Depensa ni Sotto, wala siyang pakialam sa mga election protest.

Hindi maiwasan ang mga alegasyon ng dayaan tuwing may mga halalan sa bansa. Hanggang kailan ito matatapos?

Nagkakaisa ang nakararaming Senador na dapat ipawalang bisa na ang kontrata ng COMELEC sa Smartmatic.

Sa dami ng reklamo ng dayaan, bakit Smartmatic na naman ang kukunin ng COMELEC para 2019 elections?

Sa ipatatawag na Senate hearing, maraming dapat ipaliwanag ang COMELEC at Smartmatic.

Paliwanag ni Sotto, hindi katuwiran na gahol na sa panahon sakaling kanselahin ng COMELEC ang kontrata sa Smartmatic.

Kung gusto ng COMELEC na hindi mabahiran ang resulta ng 2019 elections, dapat ikunsidera ang pagkuha ng iba na mangangasiwa sa mga software at vote counting machines.