metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Sino magre-referee?

215

Sa ngayon, di feel ni dating Pangulong Joseph Estrada na mamagitan sa kanyang dalawang anak na sina Senator JV Ejercito at dating Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng nalalapit na eleksiyon.

Kapwa kinumpirma nina Senator JV at Jinggoy sa magkahiwalay na panayam na ipinauubaya sa kanila ni Erap anuman ang kanilang plano sa 2019 Senatorial election.

Ayon kay Jinggoy, parehong gusto ni Erap na tumakbo sila ng kapatid na si Senator JV.

Pero kung si Senator JV ang masusunod, dapat isa lang sa kanila ang tumakbo, pero ang problema ayaw naman mag-give way ni Jinggoy.

May mga option pa naman daw si Jinggoy sa halip na ituloy ang plano nito na bumalik sa Senado.

Pwedeng balikan ang San Juan dahil last term na ni Mayor Guia Gomez at pwede rin sa Maynila kung gusto nang magpahinga sa pulitika ni Mayor Erap.

Sagot ni Jinggoy, “ayaw ko nang bumalik sa lokal. Kung mabibigyan naman ng pagkakataong kumandidato, bakit naman ipagkakait sa akin ang pagtakbo sa Senado”.

Sa panig ni Ejercito, di daw maganda na silang magkapatid ang sabay na kakandidato sa Senatorial election sa 2019.

Sa interview ng DZRH’s OneOnOne, paliwanag ni Ejercito, marami pa siyang dapat ipagpatuloy sa Senado lalo na ang mga panukalang batas na magsusulong sa pag-develop at pagsasaayos ng mass transport system sa ibat-ibang panig ng bansa.

Ngayon pa lang, may strategy na si Senator JV sakaling umarangkada na ang kampanya at pag-iikot ng mga kandidato.

Di niya papatulan ang mga pasaring ng kampo ni Jinggoy para lang may magamit at mapag-usapan sa kampanya.

Katuwiran ni Senator JV hindi ang away nilang magkapatid ang dapat maging sentro ng kampanya at maraming dapat marinig ang mga botante sa halip ang hindi nila pagkakaunawaan na magkapatid.

Sa October ang filing ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa 2019 midterm elections kaya double time ngayon ang PDP-Laban sa listahan ng kanilang Senatorial line up.

Panghahawakan ni Senator JV ang sinabi ni Senate President Koko Pimentel , Pangulo ng administration party na kasama siya at lima pang reelectionist Senators sa senatorial line up ng PDP-Laban.

Nilinaw na ni Pimentel na walang nagaganap na pag-uusap sa pagitan ng Partido ng Masang Pilipino ni Jinggoy at ng PDP-Laban.

Agad na nagpaliwanag si Pimentel dahil di maiiwasan ang tensiyon sakaling magkasama sa tiket ng administrasyon ang mag-kapatid na Estrada.

Sakali naman na biglang magdesisyon si Mayor Erap, may magpaparaya kaya sakaling sabihin ng dating Pangulo na dapat isa lang sa magkapatid ang kumandidato sa Senado?

Abangan.