metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Political will

83

Bukod sa marami ang nagpupunta ngayon sa Bay Walk, trending din sa social media ang mga kuhang litrato doon dahil simula nang ipatupad ang paglilinis, parang hindi na dating Manila Bay ang itsura matapos matanggal ang sangkaterbang mga basura.

Ilang administrasyon na ang dumaan pero ngayon lang nagkaroon ng kongkretong aksiyon para totohanang malinis ang Manila Bay at sinampolan pa ang mga malalaking business establishments sa Roxas Boulevard na hindi sumusunod sa tamang pagtatapon ng basura.

Siyempre, kung marami ang natuwa, di rin maiiwasan na marami rin ang duda kung hanggang kailan maipatutupad ng gobyerno ang paglilinis at paghihigpit para matigil na ang pagtatapon ng basura sa Manila Bay.

Hindi lang dapat i-asa sa national government ang ganitong mga effort dahil may responsibilidad ang bawat mamamayan sa tamang pagtatapon ng basura.

Sa isyung ito papasok ang responsibilidad ng mga local government units. Ang isyu ng basura ay hindi na dapat umaabot sa level ng Palasyo. Tungkulin ng mga lokal na pamahalaan na pangasiwaan ang paglilinis at kuleksiyon ng basura sa kani-kanilang nasasakupan.

Lgu’s din ang dapat naghihigpit sa operasyon ng mga business establishments sa kanilang mga lugar. Bakit nabibigyan ng mga permit kung talamak pala ang violations sa pagtatapon ng basura, hindi sumusunod sa environmental sanitation at iba pa.

In fairness may mga effort din naman noon ang mga nagdaang opisyal ng gobyerno at mga namuno sa Maynila at Pasay pero kulang sa pagiging consistent. Ika nga, ningas kugon lang kaya ang basura pabalik-balik lang.

Isa pang palpak ng mga LGU’s, ang kabiguan na tumugon sa Juvenile Justice Welfare Act para magtayo ng mga Bahay Pag-asa centers na magsisilbi sanang kanlungan ng mga tinagurang children in conflict with the law.

Umaabot lang sa 55 Bahay Pag-asa centers ang matatagpuan sa ibat-ibang mga lugar sa bansa. Maraming LGU’s hindi priority ang pagtatayo nito dahil ilan sa kanila kapos sa pondo at maliit lang ang internal revenue allotment.

Kaya ang resulta, maraming kabataan naikukulong kasama ng mga ordinaryong preso o di naman kaya pinakakawalan na lang ng pulisya at hindi na narereporma.

Habang pinag-uusapan pa rin sa Bicam ang 2019 national budget, pipilitin daw ng Senado na mapondohan ang pagtatayo ng Bahay Pag-asa sa ilalim ng DSWD.

2.5-billion pesos ang rekumindasyon ni Senate President Franklin Drilon na mailagay sa pondo ng DSWD dahil may probisyon ang bill na national government na ang mangangaiswa sa mga Bahay Pag-asa kaya ang pondo ay hindi na babalikatin ng mga LGU’s.

Pero di ito dahilan para hindi maging aktibo ang mga LGU’s sa operasyon ng Bahay Pag-asa sa kani-kanilang mga lugar. Dapat may programa din ang mga lokal na pamahalaan para tuloy-tuloy ang reporma ng naturang mga kabataan para hindi na maging sakit ng ulo sa kanilang lugar.

Sa nalalapit na midterm elections, dapat mas naka-focus ang mga botante sa pagsusuri ng kanilang mga iboboto sa lokal.

Bakit? Dapat LGU’s ang agad na matatakbuhan sa mga maliliit pero perwisyong problema sa araw-araw ni Juan dela Cruz gaya ng basura, traffic at iligal na droga sa kanilang mga lugar isama mo na ang mga children in conflic with the law.

Huwag natin sanayin ang mga LGU’s na bawat problema, dapat Malacanang pa ang umaksiyon. Dapat obligahin ang mga lokal na opisyal na kumilos sa kanilang mga lugar at ito ang panahon na i-assess kung nagagawa ba nila ang kanilang tungkulin. Kung hindi, walang dahilan para sila iboto sa Mayo.