metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Nasaan na ang detalye?

98

November 20 to 21 ang naging pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.

Mahigit dalawang linggo na ang nakalilipas nang umalis ang Pangulo ng China pero hanggang ngayon ay wala pang balita sa pangako ng Department of Foreign Affairs na ilalabas ang mga napagkasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at President Xi lalo na sa isyu ng West Philippine Sea.

Bago at matapos ang pagbisita ni President Xi sa Pilipinas, marami ang nag-iingay at nananawagan na isapubliko kung ano man ang mga kasunduan ng dalawang bansa.

Ilan sa katuwiran ng mga Senador, dapat marepaso ang kasunduan dahil baka lugi ang Pilipinas sa hatian at kita sa joint exploration.

Magkano ang babayaran ng gobyerno sa mga proyektong popondohan ng Chinese government sa ilalim ng build, build, build program ng Duterte administration? Karamihan kasi sa mga ito ay nasa porma ng loan agreements.

Isyu din ang dagsa ng mga Chinese nationals na iligal na nagta-trabaho sa bansa na ayon sa ilang Senador ay inaagawan ng mapagkakakitaan ang maraming manggagawang Pinoy.

Nang sumailalim sa confirmation ng Commission on Appointments si DFA Secretary Teodoro Locsin, si Senator Risa Hontiveros lang ang nagtangka na gisain ang kalihim sa isyu ng West Philippine Sea.

Kung sabagay, may agreement din kasi ang mga mambabatas na hindi na pahihirapan ang mga dating miembro ng Kongreso na na-a-appoint sa gabinete para makalusot agad sa CA.

Pero ang CA ang magandang forum para marinig at mailahad ni Locsin kung ano ang foreign policy ng gobyerno sa West Philippine Sea sa ilalim ng kanyang liderato.

Ngayong linggo, abala na ang Senado sa paghimay sa panukalang pambansang budget para sa 2019.

Magdo-double time mula 10am-10pm ang mga Senador para matiyak na maipapasa ang 2019 General Appropriations Act bago mag-Pasko.

Kung may plano man ang DFA na ilabas ang detalye ng mga napag-usapan nina Pangulong Duterte at President Xi, may panahon pa rin ba para ito’y busisiin ng mga Senador?

Karapatan ng taongbayan na malaman ang mga kasunduan. Kung hindi na maingay ang isyung ito sa Senado at Kamara, tungkulin ng gobyerno sa pamamagitan ng DFA na ma-inform si Juan dela Cruz.