metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Magic ni Inday

117

Aabangan kung sino-sino ang magiging lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagpasok ng 18th Congress sa buwan ng Hulyo.

Sa Senado, malamang manatili pa rin si Senate President Tito Sotto kahit sino pa ang mahalal na labing-dalawang Senador.

Bago mag-break ang sesyon, naihabol ang pagsasabatas ng mahahalagang panukala sa ilalim ng liderato ni Sotto gaya ng Universal Health Care, Rice Tariffication Law, Human Settlements and Urban Development Act at iba pa.

Ang aabangan din ay ang magiging ganap sa Kamara.

Ngayon pa lang, nagsabi na ang PDP-Laban na muli nilang kukunin ang liderato ng Kamara sa 18th Congress.

Sabi nga ng mga nasa administration party sila daw ang Golden State Warriors sa Kongreso.

Matapos mapatalsik sa pwesto at palitan ni Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, kumpiyansa si Congressman Pantaleon Alvarez na muli siyang maluluklok bilang House Speaker.

Pinaghuhugutan ng lakas ng loob ni Alvarez ang 130 members ng PDP-Laban na pawang mga reelectionist.

Pero di rin patatalo si Alan Peter Cayetano na kahit hindi pa siguradong mananalo ay nangangarap din na maging House Speaker.

Buong kumpiyansang sinabi ni Cayetano na siya umano ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging House Speaker.

Kumakandidato si Cayetano bilang kinatawan ng 1st district ng Taguig.

Kabilang din sa pinagpipilian bilang House Speaker ang mga pangalan nina Lord Allan Velasco ng Marinduque, Ronaldo Zamora ng San Juan, Alex Advincula ng 3rd District ng Cavite, Bambol Tolentino ng 7th District ng Cavite, Ricky Sandoval ng Malabon at Lucy Torres Gomez ng Leyte.

Kung pagbabasehan ang kumpiyansa nina Alvarez at Cayetano, kapwa sila nakasandal sa pangako o suporta ni Pangulong Duterte.

Pero baka hindi napakinggan nina Alvarez at Cayetano ang mga sinasabi ngayon ni Pangulong Duterte, hindi siya kundi si Mayor Sara Duterte-Carpio na ang may kumpas sa usapin ng pulitika.

Eh kung si Inday Sara ang calling the shots, ngayon pa lang mukhang etche pwera na sina Alvarez at Cayetano.

Mismong si Pangulong Duterte ang umamin na si Inday Sara ang kumilos kaya napatalsik sa pagiging Speaker si Alvarez at pinalitan ni Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.

Aminado rin ni Pangulong Duterte na hindi niya nakokontrol si Inday Sara at ang gusto nito ang nasusunod.

Kung hindi feel ni Inday Sara sina Alvarez at Cayetano, posibleng pagpilian ang mga pangalan ng anim na mambabatas o baka may napipisil ang presidential daughter na wala sa naturang listahan.

Pagbalik kasi ng sesyon at sa pagbubukas ng 18th Congress, malamang mas marami ang gustong ma-identify hindi sa PDP-Laban kundi sa Hugpong ng Pagbabago na mas lumalabas ngayon na partido ng administrasyon.