metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Low profile

428

Limitado lang ba o tuluyan nang absent sa sorties ng Hugpong Ng Pagbabago si Davao City Mayor at presidential daughter Sara Duterte-Carpio?

Nagdesisyon si Mayor Sara na hindi na a-attend sa mga nalalabing campaign sorties ng HNP dahil sa fatigue o pagod sa kampanya kaugnay ng pag-iikot sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

May epekto ba ito sa kampanya ng mga Senatorial candidates ng HNP sa mga huling linggo ng campaign sorties bago ang May 13 midterm elections?

Una, naka-arangkada na ang kampanya ng HNP. Meron man o wala sa campaign sorties si Mayor Sara, baka hindi na ito kawalan dahil naitawid na so to speak ang mga kandidato na gustong mailusot ng Palasyo para maging Senador.

Kung hindi magbabago ang standing kung may mga lalabas pang panibagong survey ang Social Weather Station at Pulse Asia at iba pang survey firms, halos nasa magic 12 na ang mga “manok” ng administrasyon na sina dating Special Assistant to the President Bong Go, dating PNP Chief General Bato dela Rosa at dating Presidential Political Adviser Francis Tolentino.

Pwedeng fatigue, dahil hindi biro ang umikot sa ibat-ibang panig ng bansa at hindi biro na laging nasa kampanya si Mayor Sara para i-endorso ang mga Senatorial candidates na dala ng HNP.

Sa kabilang banda, tapos na rin ang kanyang papel. Sa mga huling linggo ng kampanya, dapat lang ipaubaya ni Mayor Sara sa mga kandidato ng HNP ang attention ng mga botante at mga nagko-cover na media dahil madalas hindi ang mga kandidato kundi siya ang nagiging sentro ng mga ambush interview o presscon. Siya kasi ang balita.

Sabi naman ng ilang sektor, testing the waters ang papel na ginampanan ni Mayor Sara ngayong midterm elections sakaling matuloy ang mga report na baka tumakbo siya sa 2022.

Kahit sabihin na base lamang sa regional grouping ang HNP na sumasaklaw sa Davao Oriental, Compostela Valley, Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Occidental, traditional party na ang dating ng HNP.

Kahit “on leave” na si Mayor Sara sa campaign sorties, pero kung ang magiging resulta ng midterm elections ay majority ng nasa magic 12 ay mga Senatorial candidates na dinala at sinuportahan ng HNP, tiyak na pag-uusapan at paghahandaan na ang mas malaking kampanya tatlong taon mula ngayon.