metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Latay ng dengvaxia

238

Huling bahagi ng 2016 alam na ng Department of Health na may decline na sa mga nag-a-avail ng immunization program ng DOH.

Kung sa mga nakalipas na panahon, marami ang nag-a-avail ng libreng bakuna dahil napatunayan naman na epektibo ito laban sa mga sakit tulad ng polio, tigdas, diphtheria at iba pang uri ng sakit na pwedeng maiwasan kung may sapat na bakuna ang mga bata.

Pero nang pumutok ang kontrobersiya ng dengvaxia noong huling bahagi ng 2016, nagsimula nang mawala ang kumpiyansa ng publiko at damay ang buong immunization program ng DOH.

Inilunsad ang dengue vaccination campaign sa Central Luzon, CALABARZON at Metro Manila kung saan 700,000 elementary students ang nakatanggap ng first dose ng bakuna.

Bukod sa dismaya, natakot ang maraming mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa paniniwala na baka katulad din ng dengvaxia ang iba pang bakuna ng DOH.

Nakadagdag pa sa takot ng publiko ang kaliwat-kanan na mga imbestigasyon ng Senado at Kamara sa dengvaxia controversy kung saan lumabas ang panganib ng bakuna sa mga naturukan at hindi pa nagkakaroon ng dengue at mga kapalpakan ng mga dating opisyal ng DOH.

Dahil sumabog na ang dengvaxia controversy, naging abala na ang DOH sa pagpapaliwanag at pagdalo sa kaliwat-kanang hearing ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Nalihis na rin ang atensiyon at mas tinutukan kung sino ang dapat managot sa procurement ng dengvaxia vaccines na umanoy minadali sa panahon ni dating Health Secretary Janet Garin sa halagang 3.5-billion pesos.

Fast forward tayo ngayong 2019.

Umabot na sa 55 ang namatay dahil sa tigdas. Idineklara ang measles outbreak sa Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol region at National Capital Region kasama na ang Metro Manila.

Ang dahilan, maraming magulang ang hindi na pinabakunahan ang kanilang mga anak pero kung naging maagap ang DOH, hindi sana humantong sa outbreak dahil nakita na sa mga datos ang pagbagsak ng immunization program.

Taon-taon pangalawa ang DOH sa pinaglalaanan ng malaking budget. Bakit hindi ginastusan ang massive information campaign para mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak at maiparating ang kahalagahan ng immunization.

Hindi natin inaalis na sagutin ng DOH ang mga alegasyon ng umanoy illegal procurement at iba pang kontrobersiya na iniwan ni Garin sa ahensiya, pero sana mas tinutukan ang decline sa immunization program at ikinasa ang agresibong information campaign.

Dapat paulit-ulit na pinapaalala sa mga magulang na safe ang mga bakuna ng DOH at ang depektibo lang ay dengvaxia kontra dengue.

Eto na naman tayo. Kung ang Kontra Paputok campaign ay may budget at pinagkakaabalahan ng DOH, bakit hindi ginastusan ang info campaign sa immunization program. Bakit hinintay na umabot sa outbreak ang sakit na tigdas sa ilang mga lugar sa bansa bago magkumahog ang DOH.