metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Iba pang listahan

341

Next week ilalabas na ng Malacanang ang listahan ng mga narco politicians para maging warning sa mga botante na huwag nang iboto ang mga kumakandidato sa midterm elections na sangkot sa illegal drug trade.

Marami ang tutol na isapubliko ang listahan.

Katuwiran ng ilang Senador, kung may matibay na ebidensiya laban sa mga narco politicians, dapat kasuhan ang mga ito kaysa magsilbing shame campaign ang ilalabas na narco list.

Nasa mga botante pa rin kung iboboto ang mga narco politician dahil kahit hindi isapubliko ang listahan, alam ng mga ito kung involved o hindi sa operasyon ng iligal na droga ang kanilang mga local officials.

Resulta ng matagal na panahon ang pangangalap ng mga ebidensiya laban sa mga narco politicians at marami ang naniniwala na talagang trinabaho ito ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Kung babalikan ang timeline, sa unang taong ng Duterte administration ikinasa ang war on drugs kaya masasabing halos tatlong taon na ang listahan ng PDEA. Sumailalim na rin ito sa ilang beses na review at revalidation.

Sakaling kasuhan ang mga narco politicians, hindi magiging madali ang proseso at pag-usad ng kaso lalo na’t mabagal ang usad ng hustisya sa ating judicial system.

Baka nahalal na muli ang mga ito hanggang sa matapos ang kanilang termino ay wala pang hatol ang korte laban sa kanila.

Ang punto ng ilang sektor, kung noon pa kinasuhan ang mga nasa narco list, lalo na’t naninindigan ang PDEA na matibay ang kanilang mga ebidensiya, sana ngayon ay umuusad na ang kaso.

Pwede rin sana itong gamitin para ma-disqualify at hindi na mabigyan ng pagkakataong kumandidato ang mga ito ngayong nalalapit na midterm elections.

Sa ngayon kasi, hindi pwedeng gamitin na basehan ng COMELEC para i-disqualify ang mga kandidato na makakasama ang pangalan sa listahan ng PDEA hanggat hindi ito napapatunayan sa korte.

Pero bukod sa droga, isyu pa rin sa kampanya ang corruption. Importante din na ang mahalal na mga opisyal ay hindi lang magnanakaw ng pondo ng gobyerno sa sandaling maluklok sa pwesto.

Kung may narco list, dapat may listahan din ng mga sangkot sa graft and corruption.

May mga desisyon na ang Office of the Ombudsman laban sa mga incumbent officials na may kaso ng katiwalian at kumakandidato ngayong midterm elections.

Karamihan sa mga kasong ito ay may resolusyon na ng Ombudsman.

Kung ang mga opisyal na sangkot at protektor ng illegal drugs, wala rin puwang na maglingkod at muling maglingkod sa taongbayan ang mga opisyal na sangkot sa katiwalian.