metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Higit pa sa isyu ng doble plaka

366

Unity ride ang ipinantapat ng mga motorcycle riders para ipakita ang kanilang protesta laban sa Motorcycle Crime Prevention Act o Republic Act 11235.

Kahit araw ng Linggo, na-traffic ang mga motorista sa northbound lane ng EDSA bago mag-People Power Monument dahil libo-libong riders ang nagtipon-tipon para makiisa sa unity ride.

Bago pa lumawak ang protesta ng mga rider, nilinaw ni Senator Richard Gordon, principal author ng bill, lahat ng stakeholders ay kukunsultahin sa bubuuing implementing rules and regulations.

Sabi ni Gordon, hindi obligado ang paggamit ng metal plates at sa halip ay papayagan ang decals, stickers,vinyl maging RFID na ilalagay sa harap ng motorsiklo para di makasagabal sa pagliko o pagmamaniobra ng motor.

Hindi ang plaka kundi ang font size ng alpha numeric code na nakasulat sa plaka ang lalakihan at konting characters lang para mas madaling tandaan ng publiko.

Naniniwala si Gordon, makatutulong ang batas para mabawasan ang mga insidente ng pagnanakaw ng motorsiklo.

Sa records ng PNP-Highway Patrol Group noong 2017, 150-motorcycles ang ninanakaw linggo-linggo sa Metro Manila o average ng dalawampu’t isa kada araw.

Last week, gumawa rin ng paraan si Senator JV Ejercito, isang avid rider na magpatawag ng dayalogo sa ibat-ibat motorcycle groups at mga kinatawan ng LTO at PNP-HPG.

Ayon kay Ejercito, titiyakin niya na mapakikinggan ang panig ng mga rider sa bubuuing implementing rules and regulations at may consensus na mas malamang decals or RFID ang gagamitin.

Kakampi rin ng mga rider si Ejercito sa hirit na dapat ibaba ang multa na nakatakda sa RA 11235 dahil katumbas na ng pagbili ng bagong motor ang P50,000 fine.

Pero may higit pa sa isyu ng doble plaka ang dapat tutukan ng mga concerned government agencies at grupo ng mga motorcycle riders.

Kung ang concern ay safety, dapat higpitan ang paggamit ng mga helmet na pang-motor at hindi mga plastic helmet na nabibili lang sa bangketa.

Nasaan na ang panukalang batas noon sa Senado na ipagbawal ang pagsakay sa motor ng mga batang paslit at sanggol na kadalasan iniipit lang sa gitna sa pagitan ng driver at rider.

Malaking concern ang bilang ng mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo at kadalalsan namamatay ang driver dahil sa paggamit ng mga helmet na hindi akma, hindi gumaganang headlight at iba pa.

Kung safety ang pinag-uusapan hindi ba dapat i-consider lahat nang ito dahil marami ang pwedeng madamay sa hindi pag-iingat sa kalsada.