metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: DICT at si Honasan

178

Ngayong linggo inaasahan na ilalabas na ng Malacanang ang appointment ni Senator Gringo Honasan bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology.

Kantiyaw ng mga kaibigan ni Honasan sa “macho bloc” na sina Senate President Tito Sotto at Senator Panfilo Lacson, sa pagsisimula nito sa DICT, sana ay gumamit na ito ng modernong cellphone kaysa ang jurassic nitong Nokia 3210.

Pero higit pa sa paggamit ng modernong cellphone ang mga concern na dapat tutukan ng DICT.

Panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino nang maisabatas ang panukalang bumuo ng DICT.

Ang bill ay inakda ni Senate President Protempore Ralph Recto at sa ilalim ng RA 10844, na-restructure ang Department of Transportation and Communication o DOTC.

Nasa ilalim ngayon ng DICT ang Information Technology Office, National Computer Center, National Computer institute, Telecommications Office at National Telecommunications Training Institution.

Isa sa mga major project ng DICT ngayong taon ay ang free wifi project ng gobyerno sa lahat ng state universities and colleges sa buong bansa na pinaglaanan ng pondong P1.7B .

Pero sa impormasyon ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Senator Sonny Angara, 15 out of 112 lang ang may free wifi.

Di matanggap ni Angara ang katuwiran ng DICT dahil mayroon namang pondo na inilaan para sa naturang program.

Sa P1.7B budget sa DICT ngayong taon para sa naturang programa, P326M ang inilaan sa free wifi sa mga SUC’s at P1.36B para sa free wifi sa mga pampublikong lugar.

Hamon din sa liderato ni Honasan ang mga panawagan na maging transparent ang DICT sa proseso ng ginawang pagpili sa ikatlong telco.

Sabi ni Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang tagal hinintay ng pagdating ng bagong telco at bakit hindi pinaghandaan ng mga qualified bidders ang mga requirements.

Nakapagtataka ayon kay Gatchalian, sa tagal ng paghihintay, madi-disqualify lang ang ilang mga nag-bid dahil sa kakulangan umano ng required documents.

Ibinigay na ng National Telecommunications Commission ang provisional authority sa Mislatel, ang consortium ng China Telecom at Udena Corporation ni Davao-based businessman Dennis Uy.

Tulad ng panawagan ng mga Senador, kasama kaya sa marching orders ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng security?

Sa ilalim ng RA 10844, kasama sa mandate ng DICT ang information technology service management, information security management, cybersecurity, data privacy, e-commerce at human security development, ilan sa mga expertise ni Honasan.

Sabi nga ni Recto, higit pa sa paglutas sa dropped calls, dead spots at slow internet speed ang dapat tutukan ni Honasan sa DICT.

Dahil China ang nasa likod ng Mislatel, binigyang diin ni Recto, dapat matiyak na hindi dapat mako-kompromiso ang national security laban sa ano mang banta ng cyber attacks.