metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Di sagot ang resignation

185

60 and counting.

Ito ang bilang ng mga namatay na bata dahil sa kumplikasyon ng tigdas.

Marami din mga bata ang nagsisiksikan ngayon sa mga government hospital dahil sa naturang sakit.

Pinangangambahan na tataas pa ang bilang ng mga may tigdas at dadami pa ang mga lugar na may measles outbreak kung hindi ito maaagapan.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nag-utos sa Department of Health na palakasin ang immunization program.

Hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa ng DOH kung ipatutupad ang mandatory vaccination sa lahat ng mga bata.

Noong 2007, may inilabas na executive order si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na nag-uutos na bakunahan ang mga bata bago pumasok sa pre-school at elementary.

Pero pagkatapos ng Arroyo administration, tinapos din ang EO. Ibig sabihin, umiral ang nakaugalian na kapag nagbabago ng administrasyon, hindi na ipinatutupad ang mga programa ng nagdaang gobyerno kahit gaano kabuti ito. Kahit pa kalusugan ng mga kabataan ang mapeperwisyo.

Fast forward, sakit ng ulo ngayon sa gobyerno ang measles outbreak sa ibat-ibang panig ng bansa.

Hayagan na ngayon ang bangayan nina Health Secretary Francisco Duque III at Atty. Persida Acosta, hepe ng Public Attorney’s Office habang nagbibilang tayo ng mga batang nabibiktima ng measles.

May mga nananawagan na mag-resign na sa pwesto si Duque dahil malinaw na may pagkukulang ang ahensiya lalo na sa information dessimination para iparating sa publiko na ligtas ang mga bakuna maliban sa nilikhang takot ng Dengvaxia vaccine.

Pinangunahan naman ni Senator Risa Hontiveros ang panawagan na mag-resign na si Acosta sa pwesto dahil sa mga iresponsable umanong statement nito, lumikha ng panic sa publiko noong kasagsagan ng Dengvaxia controversy kaya nadamay ang buong immunization program ng DOH.

Ayon kay Hontiveros, “Acosta’s scaremongering and politically-motivated investigations on the Dengvaxia issue, that defied science and the advice of experts, sowed fear in the hearts of so many parents to have their children vaccinated since the past year. Because of her antics, faith in the advice of vaccine experts and doctors is on the decline.When there was an opportunity to clarify, she instead created confusion. A responsible public servant would have called for calm. Instead she sowed panic”.

Sabihin na natin na may pinaghuhugutan ang mga panawagan na magbitiw na ang naturang mga opisyal. Parehong may pagkukulang at kapabayaan pero resignation nga ba ang sagot?

Kung tatanggalin ba si Duque sa DOH at magre-resign si Acosta sa PAO, malulutas ang dengue outbreak?

Huwag idamay sa ingay ng pulitika at bangayan ang kalusugan ng mga bata.

Maraming pagkakataon para pakinggan ang posisyon nina Duque at Acosta sa kontrobersiya ng Dengvaxia.

Pero pwede ba, banta ng tigdas ang malaking problema ngayon at ito ang dapat tutukan para maligtas ang marami pang mga bata.