metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Dapat sa Pilipinas ang venue

221

Umani ng suporta mula sa ibat-ibang sektor kabilang sa mga Senador ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawin sa Pilipinas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front.

Ilang administrasyon na ang lumipas at maraming taon na rin ang binilang na sa ibang bansa ginaganap ang initial talks sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng NDF.

Sa tinagal-tagal ng mga pag-uusap at kunsultasyon, hanggang ngayon ay wala pang napagtitibay na kasunduan.

Nakatakda sana mag-usap ang magkabilang panig sa June 28 sa Oslo, Norway pero nagdesisyon si Pangulong Duterte na ito’y ipagpaliban.

Sa posisyon ng Pangulo, dapat gawin sa Pilipinas ang pag-uusap kasabay ang hamon nito kay NDF founding chairman Jose Ma. Sison na umuwi sa bansa at humarap sa negosasyon.

Sa timetable ng Presidente, sa July ang pag-uusap ng magkabilang panig pero wala pang eksaktong petsa.

Dito masusubukan ang sinseridad ng NDF at kung seryoso na maipagpatuloy ang peacetalks.

Sabi nga ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, tama na ang pagiging spoiled brat ni Joma.

Dapat ipakita ng gobyerno na ang posisyon ng Pangulo ang masusunod dahil matagal na rin pinagbibigyan ang kapricho ng NDF na ganapin sa ibang bansa ang peacetalks sa pamamagitan ng third party facilitator.

Sabi ni Senate Minority Franklin Drilon, ang Pilipinas bilang venue ng peace talks ay patunay na seryoso ang Duterte administration na matapos na ang ilang dekadang arm struggle sa makakaliwang grupo.

Binigyang diin ni Drilon, dating peace process adviser sa mga nagdaang administrasyon, hindi dapat maging balakid ang pagbabago ng venue para hindi matuloy ang peace process.

Kung pagbabasehan ang mga record, walang napagtitibay na kasunduan sa mga ginawang pag-uusap sa labas ng bansa. Magkano ang ginagastos sa byahe sa abroad ng mga kinatawan ng gobyerno para makipag-usap sa kanilang counterpart sa NDF? Baka sa pagkakataong ito, kung gagawin sa Pilipinas, may mabuong agreement ang magkabilang panig.

Ika nga, ang tunay na peace talks ay dapat gawin sa sarili nating bansa, at lalong hindi kailangan ang third party facilitator.