metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Chikahang Senator Nancy

229

Bihira lang maupo sa “Kapihan sa Senado” si Senator Nancy Binay.

Tulad ng inaasahan, winner ang mga quotable quotes nito hindi sa mga reaksiyon sa national issues kundi sa mga isyu na dinaanan ng kanyang pamilya lalo na ng kanyang ama na si dating Vice President Jejomar Binay.

Aminado si Binay na mas masaya siya ngayon sa 17th Congress dahil sa magandang samahan sa mga kapwa niya Senador.

Kasama si Binay sa mga tinaguriang Seatmates plus Plus na kinabibilangan nina Senators Sonny Angara, Joel Villanueva, JV Ejercito, Migz Zubiri, Sherwin Gatchalian at mga plus na sina Senators Loren Legarda, Richard Gordon at Cynthia Villar.

Sa nakalipas na 16th Congress, naging paksa ng sunod-sunod na mga imbestigasyon noon sa Senado ang mga alegasyon umano ng anomalya sa Makati. Sentro noon ng imbestigasyon sina dating Vice President Binay at anak nito na si dating Makati Mayor Jun-jun Binay.

Nanguna sa paglalabas ng mga ebidensiya sa umanoy maanomalyang Makati Parking Building ay sina Senators Antonio Trillanes IV at Alan Peter Cayetano.

Ang mga banat nina Trillanes at Cayetano ay base sa mga dokumentong prinisinta ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, isa sa mga malalapit sa pamilya Binay.

Pero ika nga, time heals all wounds. Sabi ni Binay, matagal nang nag-move-on ang kanyang ama. Nagulat silang pamilya nang tawagan ng kanilang ama si Mercado.

Matagal umanong nag-usap sa telepono ang dalawa at kung anuman ang ginawa ni Mercado sa kanilang pamilya, pinatawad na ito ng kanyang ama.

Sabi ni Binay, simula ng mawala sa pulitika, madalas sa bible study ang dating Pangalawang Pangulo, ito siguro anya ang naging dahilan kaya napatawad na nito ang mga nakaaway sa pulitika gaya ni Mercado.

Fast forward, sinabi ni Senator Nancy na masaya na siya sa Senado patunay ng pagiging aktibo sa pakikiisa sa mga Senate hearing at pagsusulong ng ibat-ibang mga bill.

Malaking bagay din anya na hindi niya na nakikita si Cayetano sa Senado dahil na-appoint na ito bilang DFA Secretary.

Sa panig naman ni Trillanes, kung nagkakasalubong o nagkikita man sila sa Senado, sinabi ni Binay, “eh di look away na lang”. Hindi kami nag-uusap, di kami nag-a-eye contact”.

Nang tanungin kung handa niya na bang patawarin sina Cayetano at Trillanes, sagot ni Binay, “hindi pa ako nagba-bible study tulad ng tatay ko eh”.

Sa preparasyon sa Sereno impeachment trial, sinabi ni Binay na balak niyang kumuha ng crash course sa University of Makati para malaman kung ano ang mga rules of court.

Si Atty. Rico Quicho, isa sa mga spokesman ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 impeachment trial ang Dean ngayon ng Univesity of Makati.

Kulay ng robe sa Sereno impeachment trial ay black. Pabirong sinabi ni Binay, “ini-insist ko bawal ang maroon, kasi baka may pumunas sa akin”.

Healthwise, pinagpapasalamat din ni Binay ang paggaling mula sa hyperthyroidism resulta ng pagpayat niya noong nakaraang 16th Congress.

Marami pang chika si Senator Nancy tungkol sa isyu ng mga kababaihan pero pwede pa itong pag-usapan sa susunod na pag-upo nito sa Kapihan sa Senado.