metromanila.politics.com.ph

Ilan sa mga “sana” ngayong Pasko…

229

Ilan tulog na lang, Pasko na naman.

Kaliwa’t-kanan na ang mga natatanggap na regalo, cash man o in kind.

Pag ganitong Christmas season, hindi lang mga employer ang hinihingan ng regalo kundi pati gobyerno. Why not? Bilang mga taxpayer, karapatan ng mga Pilipino na mag-demand ng serbisyo sa pamahalaan.

Sa programang OneOnOne sa DZRH, maraming wish ang ating mga kababayan na sana maaksiyunan ng Duterte administration para sa 2019.

Ilan sa mga “sana” ng mga mamamayan ay mabigyan na ng solusyon ang perwisyong traffic lalo na sa mega Manila.

Naiparating na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi matatawarang kampanya nito laban sa illegal drugs. Mula kampanya, nang magsimula ang kanyang administrasyon hanggang ngayon, bukambibig ng Pangulo ang war on drugs. Okay lang naman ito sa ating mga kababayan dahil talagang perwisyo ang problema laban sa iligal na droga, pero, marami din dapat pagtuunang pansin ang ating gobyerno.

Sa mga pag-aaral, umaabot sa bilyong piso ang nawawala sa ekonomiya dahil lang sa pagkatengga sa traffic.

Sa report ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P3.5B ang nawawala sa ekonomiya sanhi ng traffic congestion. Kung hindi ito maaaksiyunan ng gobyerno, P5.4-B kada araw ang malulugi sa pamahalaan pagsapit ng 2035.

Dahil sa tindi ng traffic sa Metro Manila, halos ilang oras na lang ang tulog ng mga manggagawa at estudyante dahil kailangan maglaan ng sapat na oras sa pagbiyahe pagpasok at pag-uwi mula sa trabaho at eskuwela.

Kailangan ang kooperasyon ng mga motorista at commuters para matiyak na mababawasan ang sobrang traffic pero malaking bahagi pa rin kung ito ang aaksiyunan ng gobyerno.

Kasama dito ang rehabilitasyon sa operasyon ng MRT at LRT na sasabayan ng pagpapalakas ng transportation system sa bansa ilalim ng Build, Build, Build program.

Bukod sa paglutas sa perwisyong traffic, kasama sa “sana” ng mga mamamayan ay maisabatas, mapondohan at maimplement ang Universal Health Care bill.

Sa panahong ito, gasgas na ang salitang “mahal ang magkasakit”. Mahal ang doctor’s fee, mga gamot, maintenance medicines, laboratory tests at iba pa. Dahil dito marami ang hindi nagpapakunsulta sa duktor at nakabibili ng gamot dahil sa mataas na presyo.

Bukod sa sources of funds mula sa PAGCOR, PCSO at mga kuleksiyon ng BIR at Bureau of Customs, isusulong ang dagdag pang buwis sa alak at sigarilyo para mapondohan sa mga susunod na taon ang Universal Health Care.

Sana mapirmahan at maisabatas ito ng Pangulo bago mag-Pasko dahil maganda itong regalong pangkalusugan sa lahat ng mga Pilipino.