metromanila.politics.com.ph

Suporta sa barangay: Erap releases P24M budget to boost Manila disaster mitigation measures

0 477

Matapos ang pananalanta ng bagyong ‘Karen’ at ‘Lawin’, naglabas ng P24-milyong pondo si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada upang palakasin pa ang kahandaan ng mga barangay laban sa kalamidad.

Ayon kay Estrada, nag-aalala siya sa kaligtasan ng maraming Manilenyo na nakatira sa tinaguriang “high risk areas”, lalo’t ngayon ay sunud-sunod na malalakas na bagyo ang bumabayo sa bansa.

“Sa mga ganitong panahon, kailangan ng ating mga barangay ng suporta. Sila ang mga first responders tuwing may trahedya o kalamidad. Nawa’y magamit nila ng maayos ang pondong ito,” ani Estrada sa 38 barangay na nakatanggap ng pondo mula sa city hall.

Aniya, magagamit ng mga barangay ang pondo para sa maigting na paglilinis ng mga kanal at daanang tubig upang maiwasan ang pagbabaha at pagsasanay ng mga rescue volunteers sa kani-kanilang komunidad.

Nanawagan din siya sa nga punong barangay na regular na i-update ang kanilang Barangay Disaster Risk Reduction Management Plan na ang dapat na pangunahing layunin ay iligtas ang buhay at ari-arian ng mga residente sa panahon ng kalamidad.

Sa P24.05 milyong pondong nilabas ni Estrada para sa inisyal na 38 barangay, may nakatanggap ng hanggang P9.9 milyon bilang supplemental budget.

Nabawasan na ang pagbabaha sa lungsod dahil sa mga proyekto ng pamahalaang lungsod, ayon kay Estrada, ngunit marami pa rin aniya ang matindi ang pagbabaha.

Ayon sa pag-aaral na ginawa ng University of the Philippines-School of Urban and Regional Planning, 620 barangay sa Tondo, Sta. Cruz, Malate, Sampaloc, Paco, Quiapo, Binondo, Pandacan, Intramuros, Ermita,at Port Area malapit sa Pasig ang nasa kategoryang “High Flood Risk” pa rin.

May 896 barangay ang Maynila.

Nitong Setyembre lang ay naglaan ng panibagong P200-milyong pondo si Estrada upang matulungan ang 896 barangay ng lungsod sa pagpapalakas ng kanilang seguridad laban sa terorismo. Ito ay matapos ang pambobomba sa Davao City.

Nitong Agosto ay naglabas din siya ng P20 milyon para sa anti-drug campaign ng mga barangay.