metromanila.politics.com.ph

Ibalik ang ganda ng Maynila: Erap to renovate Plaza Lacson, MacArthur Park

0 638

Upang maibalik ang dating ganda ng Maynila, dalawa pang makasaysayang parke sa lungsod ang isasailalim sa rehabilitasyon ni Mayor Joseph “Erap” Estrada bilang bahagi ng kanyang P100-milyong urban renewal program.

Inatasan na ni Estrada si Arsenic Lacson, hepe ng Manila Parks Development Office (MDPO) na simulan na ang preparasyon sa pagsasaayos ng Plaza Lacson at MacArthur Park sa Santa Cruz.

“Pagsikapan nating ibalik ang dating ganda ng Maynila, lalo na ang mga makasaysayan nating mga parke, dahil ito ang magpapaalala sa atin sa mayaman nating kasaysayan at kultura,” ani Estrada.

“Ang Maynila ang ‘show window’ ng bansa sa buong mundo kaya patuloy nating isasailalim ang ating lungsod sa ‘complete makeover’, at upang lalong maipagmalaki ng sambayanang Filipino,” dagdag pa niya.

Sinimulan ni Estrada ang kanyang Parks Development Program nang mahalal siya noong 2013.

Dating Plaza de Goiti ang ngayong Plaza Lacson, ang sentro ng Maynila bago ang World War II.

Ang MacArthur Park naman ay matatagpuan sa paanan ng MacArthur Bridge na tumatawid sa Pasig River mula Padre Burgos Avenue sa Ermita patungong Carlos Palanca Street. Dito matatagpuan ang lumang rebulto ni MacArthur.

Ayon kay Lacson, kinakailangan nang linisin at pagandahin ang Plaza Lacson dahil ginagawa na itong tulugan ng mga taong grasa.

“Lalagyan natin ng enclosure, mga puno, tapos pagagandahin natin,” ani Lacson. Ganoon din aniya ang gagawin sa MacArthur Park.

Nakikipagtulungan din aniya ang pamahalaang lungsod sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagsasaayos ng Plaza Dilao sa Paco at Plaza Azul sa Quirino Avenue, Pandacan na naapektuhan ng konstruksyon ng Skyway 3.

Paliwanag ni Lacson, sasagutin ng DPWH at Skyway 3 ang pagkukumpuni sa mga naturang plaza.

Binabalak din ng pamahalaang lungsod na ayusin at pagandahin pa ang Plaza Lawton (ngayo’y Liwasang Bonifacio) at Plaza Rajah Sulayman sa Malate, dagdag pa ni Lacson.