metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Red flag

162

Nakauwi na sa bansa ang labi ni Joana Demafelis, ang Pinay na isinilid ang bangkay sa isang freezer sa bansang Kuwait.

Hustisya ang isinisigaw ng pamilya ni Demafelis nang maiuwi ang bangkay nito sa kanilang bayan sa Sara, Iloilo.

Ang kaso ni Demafelis ang nag-trigger kaya nagdesisyon ang Duterte administration na ipatupad na ang total deployment ban sa Kuwait.

Prayoridad ng gobyerno na mabigyan ng proteksiyon ang kaligtasan ng mga ofw sa naturang bansa lalo na ang mga domestic service workers doon.

Tulad ng inaasahan, kaliwa’t-kanan ang isasagawa na namang imbestigasyon ng mga ahensiya ng gobyerno at Kongreso.

May mga financial assistance na rin na natanggap ang pamilya Demafelis bilang tulong sa pagkamatay ni Joana.

Sa gagawing imbestigasyon ng Senado, inaasahan na maraming dapat ipaliwanag ang DFA, POEA at OWWA.

Base sa mga report, mahigit isang taon nang inireport ng pamilya ni Joana sa mga nabanggit na ahensiya ang pagkawala nito. Ito ay nang hindi na makontak ang kinaroroonan ni Joana sa Kuwait at kung ano na ang nangyari sa kanya.

Ayon kay Susan Ople ng Blas F. Ople Policy Center, ang kaso ni Demafelis ay wake up call sa DFA, POEA at OWWA.

Sa monitoring ng Blas F. Ople Policy Center, nakompromiso ang kaligtasan ni Demafelis nang ipasara ng POEA ang Our Lady of Mt. Carmel Global E-Human Resources Inc.

Ito yun recruitment agency kung saan nag-apply si Demafelis. Ipinasara ito dahil sa maraming paglabag sa recruitment laws.

Sabi ni Ople, ang nangyari kay Demafelis ay nararanasan din ng maraming distressed ofw na ang kanilang kontrata ay na-processed ng recruitment agency na hindi na operational.

Paliwanag ni Ople, kapag naipasasara ang mga recruitment agencies na lumalabag sa batas, nakakalimutan na ng POEA at OWWA ang kalagayan ng mga ofw na nag-apply sa naturang mga agency.

Kaya kapag nagka-problema, nagka-kaso, mahirap nang mahanap ang naturang mga ofw. Saan na napunta pagkatapos ng kanilang kontrata? Mahirap nang ma-trace dahil nagsara na ang recruitment agency.

Giit ni Ople, hindi sana nagtatapos ang aksiyon ng POEA maging ng OWWA sa pagpapasara ng recruitment agency na maraming paglabag sa batas. Dapat patuloy na inaaksiyunan at inaalam ang kundisyon ng mga na-recruit na ofw na wala nang matatakbuhan dahil hindi na operational ang kanilang agency.

Sabi ni Ople, maraming dapat ipaliwanag ang POEA at OWWA kung bakit hindi inaksiyunan ang report ng pamilya ni Joana nang hindi na malaman ang kinaroronan nito sa Kuwait noon pang 2016.

Dagdag pa ni Ople, marami pang Joana Demafelis sa ibat-ibang mga bansa lalo na sa Middle East na dapat maisalba at matulungan kung mabilis lang sana umaksiyon at hindi binabalewala ng mga concerned government agencies ang paghingi ng tulong ng kanilang mga pamilya.