metromanila.politics.com.ph

Pag-eksena ng Supreme Court

295

Umuwi na ng kanilang bahay si Senator Antonio Trillanes IV matapos ang halos isang buwan na pananatili sa kanyang opisina para iwasan ang posibleng pag-aresto.

Dahil sa Biyernes pa, October 5 naka-schedule ang hearing ng Makati RTC branch 148 ni Judge Andres Soriano sa kasong coup d’ etat, kampante si Trillanes na walang ano man pag-aresto sa kanya sa mga darating na araw.

Sa kabila nito, hindi papipigil si Trillanes sa pagbuwelta pa rin sa Duterte administration.

Naka-schedule ang privilege speech ni Trillanes para banatan si Pangulong Rodrigo Duterte. Kasama dito ang umanoy pakikialam ng Pangulo sa Armed Forces of the Philippines sa AFP modernization program.

Hindi rin titigilan ni Trillanes ang pagbubulgar sa mga kontratang pinasok sa ibat-ibang government agencies ng security agency na pagmamay-ari ni Solicitor General Jose Calida.

Di rin palalagpasin ni Trillanes ang expose kay Special Assistant to the President Bong Go na kinabibilangan ng umanoy multi-billion peso contracts na ini-award sa kumpanyang pagmamay-ari ng kanilang pamilya.

Idagdag pa ang mga extra judicial killings na idinadawit sa Duterte administration dahil sa pinalakas na kampanya sa war on drugs.

Magiging paikot-ikot ang mga eksenang ito sa kampo ni Trillanes kaya nananawagan ang ilang Senador na umeksena na ang Supreme Court.

Paliwanag ni Senator Chiz Escudero, kung walang ilalabas na temporary restraining order ang Supreme Court, mananatiling valid ang proclamation 572 na nagpapawalang bisa sa amnesty ni Trillanes.

Sabi ni Escudero, magiging basehan din ito ng korte para magpalabas ng desisyon kabilang ang posibleng pag-aresto sa Senador.

Sa panig ni Senate Minority leader Franklin Drilon, ito ang panahon para mamagitan ang Korte Suprema at itama ang pagkakamali sa proseso.

Katuwiran ni Drilon, ang kaso ay hindi lamang tungkol kay Trillanes kundi makakaapekto sa mga nagdaan at mga pagkakalooban pa ng amnesty sa mga darating na panahon.

Kung hindi anya ito maitatama, hindi lamang si AFP Chief of Staff Carlito Galvez kundi baka makuwestiyon din ang mga sundalo na nabigyan ng amnesty kung mananatili ang pag-iral ng Proclamation 572.

Sabi ni Drilon, “it could affect the integrity of the amnesty that the government will grant in the future, because of fears that it can be reopened anytime”.

Apela naman ng ibat-ibang sektor, maraming mahahalagang isyu na dapat pagka-abalahan ang Senado kaysa naka-sentro sa mga binuhay na kaso ni Trillanes at iba pang ingay pulitika.

Kahit gasgas na ang panawagan, mas concern ang taongbayan sa mga isyu na may kinalaman sa sikmura – mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, lumo-lobong inflation, kakarampot na sweldo at iba pa.