metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Wrong messaging

174

Sermon ang aabutin ng mga opisyal ng National Food Authority kapag sinimulan na ng Senate Committee on Agriculture ang imbestigasyon sa kakapusan ng nfa rice.

Reklamo ni Senator Cynthia Villar, chairman ng Committee on Agriculture, walang ibang dapat sisihin kundi mismong ang NFA kaya tumaas ang presyo ng bigas sa merkado.

Ayon kay Villar, mismong ang NFA ang dahilan kaya nag-panic ang mga consumer at sa takot na magkaroon ng rice shortage, marami ang nag-hoard ng supply kaya ang resulta tumaas ang presyo sa pamilihan.

Sa mga statement ng NFA officials, inamin ng mga ito na hindi na sapat ang kanilang 15-day buffer stock. Pwede naman gawan ng paraan nang hindi ia-announce sa publiko para maiwasan sana ang panic sa merkado.

Sabi ni Villar, “hindi ko maintindihan kung bakit ina-announce pa nila ang kanilang kapalpakan, kaya nagkaroon ng epekto sa merkado lalo na sa supply at presyo ng bigas”.

Sa data ng Philippine Statistics Authority, umaabot sa 19.28 million metric tons ang naaning palay noong nakaraang taon o pagtaas ng 9.36 % noong 2016 na umabot lang sa 17.63 million metric tons.

Kasama din sa mga dahilan ng kakulangan at mataas na presyo ng bigas ay ang matagal nang problema tungkol sa alegasyon ng pag-iral ng sindikato sa loob ng NFA na nagma-manipulate ng presyo sa merkado.

Reklamo ni Villar, lumang tugtugin na ang isyu ng rice cartel o sindikato sa loob ng NFA.

Ang problema anya, ang mga impormasyon na nakuha ng Senate Committee on Agriculture mula pa noong 16th Congress na isinumite sa Department of Justice at Bureau of Customs ay hindi inaaksiyunan.

Papaano nga naman makakasuhan ang mga nasa likod ng rice cartel kung hindi kumikilos ang DOJ at BOC.

In aid of legislation ang ginagawa ng Senado, pero giit ni Villar, may mga rekumindasyon ang kumite para magamit sa pagsasampa ng kaso ng DOJ at BOC pero hanggang ngayon ay wala pa rin nasasampolan.

Sa RA 10845 na pinagtibay noong 16th Congress, maituturing na economic sabotage ang large scale agricultural smuggling.

Pero kahit may mga umiiral na batas, kung walang nasasampolan, magpapatuloy ang operasyon ng mga sindikato at pagsasamantala sa mga consumer.