metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Wishlist

205

Kapag magba-bagong taon, kaliwat-kanan ang mga wishlist ni Juan dela Cruz.

Bukod sa personal wishes tulad ng good health, family at trabaho, may mga hugot din ang ating mga kababayan na wishlist na sana ay maaksiyunan ng gobyerno sa 2018.

Sa halos dalawang taon ng Duterte administration, nakararami sa ating mga mamamayan lalo na dito sa Metro Manila ang nangangarap na sana mabigyan na ng solusyon sa papasok na taon ang problema sa perwisyong traffic.

Nang magsimula ang Duterte administration, isa sa mga marching orders ni Pangulong Duterte ay bigyan ng solusyon ang traffic problem lalo na sa Metro Manila.

Sinundan ito ng pagsusulong noon ng emergency powers dahil target ng gobyerno na mabigyan ng sapat na kapangyarihan ang Pangulo para malutas ang traffic bago sumapit ang “ber” months.

2016 isinulong ang panukalang bigiyan ng emergency powers si Pangulong Duterte.

Fast forward sa 2017, ikalawang pasko na ang lumipas, natengga na ang emergency powers bill habang grabe na ang epekto ng perwisyong traffic sa mga motorista at commuters.

Ilang beses din nagpatawag ng public hearing si Senator Grace Poe, Chairman ng Committee on Public Services tungkol sa panukalang emergency powers.

Reklamo ni Poe, sa mga ipinatawag niyang hearing, halos walang kongkretong rekumindasyon ang Department of Transportation.

Maging si DOTr Secretary Art Tugade, nanahimik na di lang sa isyu ng emergency powers maging sa araw-araw na aberya ng MRT.

Sabi nga, marami nang problema ang Pangulo para pati problema sa traffic ay personal pa nitong pangasiwaan.

Papel ito ng DOTr pero tila hindi naaapektuhan si Tugade sa araw-araw na perwisyo ng traffic.

Alam naman ng publiko na walang milagro para malutas ang problema ng traffic sa Metro Manila at iba pang mga lungsod sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

Kahit sana plano ay marinig sa DOTR ano bang aksiyon ang gagawin sa 2018 sa harap ng mga datos na buwan-buwan dumarami ang mga sasakyan na bumibiyahe.

Pero ang lahat ng plano ng mga concerned government agencies ay nakasasalay sa kooperasyon at disiplina nating lahat bilang mga motorista at commuters.