metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Uson sa Senado

151

Ooopsss hindi ito sa pagiging Senador sa 2019.

May request si Senator Nancy Binay na sa susunod na Senate hearing ng chacha, dapat imbitahan at pagpaliwanagin si Communications Group Assistant Secretary Mocha Uson.

Ire-request ito ni Binay kay Senator Francis Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments & Revision of Codes na isama bilang resource person si Uson sa pagpapatuloy ng hearing sa chacha.

Una rito, sinabi ni Pangilinan, hindi prayoridad ng Senado ang chacha o pagpapalit ng sistema ng gobyerno sa federal system.

Base sa mga survey, isa sa apat na Pinoy ay hindi alam ang tungkol sa federalism at karamihan sa mga Pinoy, sa totoo lang, walang pakialam sa chacha.

Mas concern ang publiko sa mga isyung may kinalaman sa sikmura ni Juan dela Cruz gaya ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin, katiting na suweldo at perwisyong traffic.

Kaya sa halip na madaliin ang chacha, sinabi ni Pangilinan, kailangan ang mas mahaba pang hearing at mga kunsultasyon.

Hugot ni Binay, dahil si Uson ang designated bilang isa sa mga lead spokespersons para tumaas daw ang public awareness tungkol sa federalism, makabubuti na iprisinta nito sa Senado ang content ng kanyang magiging kampanya sa chacha.

Pero pinaka-isyu ni Binay, 90-million pesos ang pondong inilaan ng Department of Interior and Local Government para sa information campaign.

Gagamitin ang pondo para mapaintindi umano sa publiko ang plano ng Duterte administration na palitan ang sistema ng pamahalaan sa federal system.

Sabi ni Binay, “being the designated messenger, we also wanted to hear how she would articulate or interpret the salient points of the proposed federal charter and explain to the people how a shift in the form of government could move the country forward.Dagdag na rin ang kanyang iba pang concept or idea sa information campaign using social media”.

Napapanahon din ang request ni Binay para malinawan ang paggamitan ng milyones na pondo.

Simula kasi nang mabuo ang concept ng Federalism Caravan, hindi pa na-itemized kung papaano magagamit ang P90-million pesos na pondo.

Milyones ang pondong ilalaan at sa dami ng mga hindi naipaliliwanag na fund disbursements sa ilang government agencies tulad ng Department of Tourism, karapatan ng publiko na malaman ang accounting ng bawat sentimo mula sa taxpayers’ money.

Isa pa, dapat pa bang gastusan ng P90-million ang planong federalism na unang-una ay hindi tanggap ng publiko at hindi priority ng mamamayan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.