metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Tongpats pa rin

110

Teachers enemy number one. Ito ang bansag ngayon ng mga public school teachers kay Budget Secretary Benjamin Diokno.

Di maiiwasan na masaktan ang mga public school teachers sa statement ni Diokno na hindi sila priority. Ito ay sa harap ng ibinigay na umento sa sahod sa AFP,PNP at iba pang uniformed personnel.

Kunsabagay, baka nagpapakatotoo lang si Diokno nang sabihin na hindi prayoridad ng gobyerno ang umento sa sahod ng mga guro.

Mahirap nga naman ipangako ang pagtataas ng suweldo kung walang available funds ang pamahalaan.

Sabi ng ilang sector, hindi kasi pulitiko si Diokno na mahilig mangako kaya naging direct to the point lang ang sagot nito sa mga guro sa hirit na wage hike.

Pero di naman kailangang mangako ng wala si Diokno dahil hahanapan talaga ng pondo ng DBM ang umento sa sahod ng mga public school teachers na nakapaloob sa salary standardization law.

Pwede naman sabihin ni Diokno na hahanapan nila ng pondo ang wage hike para sa mga guro at hindi kinakalimutan ng gobyerno ang kanilang karaingan.

Ika nga, maipapaliwanag ang posisyon ng gobyerno nang hindi sasama ang loob ng mga public school teachers. Dapat maging sensitive din ang mga ahensiya ng gobyerno dahil di biro ang gastos ng mga manggagawa epekto ng mga buwis na ipinapataw ng pamahalaan.

Nagsimula na muli ang sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Anytime ay magpapatawag ng magkahiwalay ng hearing ang Blue Ribbon Committee at Senate Committee on Health sa kontrobersiya ng dengvaxia vaccines.

Ilan sa mga iko-consider ng Blue Ribbon Committee ni Senator Richard Gordon, kung kailangan pa bang imbitahan uli sa hearing si dating Pangulong Noynoy Aquino lalo na ang mga dating opisyal ng DOH sa pangunguna ni dating Health Secretary Janet Garin.

Sa panig ng Committee on Health na pinamumunuan ni Senator JV Ejercito,

mas concern ang naturang kumite kung ano ang ginagawang aksiyon ng DOH sa kalagayan ng mga batang nabakunahan ng dengvaxia.

800,000 school children ang naturukan ng dengvaxia. Namo-monitor ba ito ng DOH at may kakayahan ba ang ahensiya na mabantayan ang kalagayan ng mga ito?

May ilan nang namatay at may pattern ang pagkamatay matapos maturukan ng dengvaxia. Ano ngayon ang ginagawa ng DOH sa libo-libong kabataan na nabakunahan?

Sa panig ni Senate Majority Floorleader Tito Sotto, panahon na rin para matutukan ang mga anomalya sa procurement ng mga bakuna ng DOH.

Sabi ni Sotto, sa immunization program ng ahensiya nangyayari ang talamak na anomalya at dito anya ang katakot-takot na “tongpats”.

P3.5 billion pesos ang ibinayad ng DOH sa Sanofi Pasteur at kahit paulit-ulit na itanggi nina Garin, halatang minadali ang pagbili ng dengvaxia vaccines kahit hindi pa 100-percent na sigurado kung effective ang naturang bakuna kontra dengue.

Hindi pa kasama dito ang bilyones na halaga ng mga bakuna na binili rin ng DOH noon para sa mga bata at senior citizens at ilang buwan na lang ay mag-e-expire na ang ibat-ibang uri ng vaccines pero itinuloy pa rin ng DOH ang pagbili.