metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Tiyakin ang facility sa mga menor de edad

104

Nagbabago na ang panahon. Dumarami na ang bilang ng mga bata na nasasangkot sa ibat-ibang krimen at pagtutulak ng droga.

Base sa statistics, siyam na taong gulang ang pinakabatang ginagamit ng mga sindikato sa drug trafficking.

Sa mga viral video, walang takot ang maraming kabataan na masangkot sa krimen na kadalasan nauuwi sa pagkamatay ng kanilang biktima.

Ito ang dahilan kay isinusulong ni Senate President Tito Sotto nag awing 13-years old mula sa kasalukuyang 15-years old ang age of criminal responsibility.

Sa ilalim ng Senate bill 2026, aamyendahan ng bill ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Inaasahan na Sotto na ngayon pa lang may mga grupo na ang tututol sa kanyang panukalang batas. Expected din ni Sotto ang madugong debate sakaling talakayin ito sa plenaryo.

Ang war on drugs ang nananatili pa rin na numero unong programa ng Duterte administration at kung isusulong ang naturang bill, makatutulong ito sa implementasyon ng pinalakas na kampanya laban sa iligal na droga.

Tiniyak ni Sotto na sa ilalim ng bill, po-protektahan ang mga menor de edad at hindi ihahalo sa iba pang mga preso na nasa mga kulungan.

Sa SB 2026 nabanggit ang “Bahay Pag-asa” na magsisilbing youth care facility. Sa naturang facility balak i-detain ang mga trese anyos pataas na nakagawa ng krimen at napatawan ng kaso.

Ang Bahay Pag-asa ay pinapangasiwaan ng mga local government units o mga licensed and/or accredited non-government organizations na mino-monitor ng Department of Social Welfare and Development.

Bago sana umarangkada ang pagsusulong sa naturang bill, dapat ma-verify kung ilan ang mga existing na Bahay Pag-asa sa ibat-ibang bahagi ng bansa. Ma-a-accommodate ba sa naturang mga facility ang mga kabataan na made-detain?

May kakayahan ba ang bawat lgu’s na pondohan ang pagtatayo o maintenance ng Bahay Pag-asa sa kanilang mga lugar?

Sa implementasyon ng panukala, P400-million ang pondong ilalaan sa DSWD para sa construction ng Bahay Pag-asa rehabilitation centers sa mga probinsiya at lungsod na mataas ang insidente ng children in conflict.

Babalikatin din ng mga lgu’s ang paglalaan ng pondo katumbas ng contribution ng national government na P20-million per rehabilitation center.

Importante din na maisama sa bill ni Sotto ang pananagutan ng mga magulang ng mga children in conflict. Hindi mapapariwara ang naturang mga kabataan kung hindi nagpabaya ang mga magulang. Kung mabigat ang parusa sa mga sangkot na menor de edad, dapat mabigat din ang ipataw na pananagutan sa mga magulang.