metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Term sharing

176

Inaabangan kung may pagpapalit ng Senate leadership pagbalik ng sesyon sa Mayo.

May mga ugong na papalitan umano ni Senate Majority leader Tito Sotto si Senate President Koko Pimentel.

October ang filing ng certificate of candidacy at si Pimentel kasama ang mga reelectionist Senators na sina JV Ejercito, Nancy Binay, Sonny Angara, Bam Aquino, Grace Poe at Cynthia Villar ay kakandidato sa 2019.

Dini-deny ni Pimentel ang isyu ng term sharing pero bago mag-holyweek, nag-usap na sila ni Sotto.

Aminado si Pimentel, na si Sotto ang madalas niyang kinukunsulta sa mga isyu at ganap sa Senado bilang pinaka-senior sa lahat ng mga Senador.

Maingat din sa pagbibitiw ng mga statement si Pimentel sa isyu ng term sharing dahil sa ngayon, wait and see ang Senado kung kailan maiaakyat sa kanila ang articles of impeachment laban kay Chief Justice Ma. Loudes Sereno.

Maging si Sotto ay aminado na mahirap papelan ang pagiging Senate President kapag nagsilbing impeachment court ang Senado dahil hindi siya abugado.

So, habang pina-plantsa pa kung matutuloy ang umuugong na term sharing, isa sa mga dapat agapan ni Pimentel ang tuluyang pagtatampo ng mga kasamahang reelectionist Senators.

Di itinatago nina Ejercito, Angara, Binay at Villar na kasama sa grupong The Force ang pagtatampo umano kay Pimentel.

Sa mga nai-leaked na Senatorial lists umano ng PDP-Laban, etche pwera ang The Force at di man lang umano sila ipinaglalaban ng Senate President.

Sa kabila ng pagtatampo ng ilan sa mga kasamahang reelectionist Senators, tiniyak ni Pimentel na ipinaglalaban niya ang mga ito.

Mapanghahawakan kaya ang sinasabi ni Pimentel sa kanyang mga kasamahan sa Senado kumpara sa mga sinasabi at ginagawa naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na may sarili din listahan na inilalabas sa media?

Ayon sa mga source sa PDP-Laban, malalaman kung sino-sino ang makakasama sa Senatorial list ng administrasyon kapag may resulta na ang internal survey ng partido ngayong buwan at ilang buwan bago mag-October.