metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Simula na ng rigodon

136

Simula na ng filing ng certificate of candidacy ng mga may balak kumandidato sa 2019 midterm elections.

Tinapos na rin ng Senado ang pagtalakay sa mga priority bills at naipasa ang mga mahahalagang panukala bago ang session break.

Kabilang dito ang pagpasa sa 3rd and final reading para sa 300-percent na dagdag sa monthly old age pension ng mga Filipino war veterans. Mula sa kasalukuyang P5k ay magiging P20k na ang buwanang pension ng mga beterano.

Pasado na rin ang bill para sa PNP rank classification o ipapareho na sa AFP ang tawag sa ranggo ng mga pulis. Lusot na rin ang panukalang paglikha ng Department of Housing, SSS reform bill at certified as urgent naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Health Care bill at Rice Tarrification bill.

Double time ang Senado bago ang break para sa filing of c-o-c at paggunita ng undas.

Ngayon pa lang marami nang rigodon sa ibat-ibang political party. Marami din ang hindi pa nakapagpi-prisinta ng line up dahil last minute may mga lumilipat ng partido, ang iba naman hirap makumpleto ang 12-man senatorial slate.

Nanumpa na si Senator JV Ejercito sa Nacionalist People’s Coalition. Aminado si Ejercito na masama ang loob ng kanyang ama na si Manila Mayor Joseph Estrada sa pagkalas niya sa Partido ng Masang Pilipino.

Sabi ni Ejercito, hindi siya nakapag-paalam kay Mayor Erap, kundi nagpasabi na lang ito na lilipat na ng partido.

Pinayagan noon ni Mayor Erap si Senator JV na kumalas ng PMP dahil ang una niyang kinukunsidera ay umanib sa PDP-Laban.

Nagbago ang plano ni Senator JV dahil awkward daw kung pareho silang magkasama ng kapatid na si dating Senator Jinggoy Estrada sa PMP.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, bukod kay Ejercito, nakasisiguro nang kasama sa senatorial slate na susuportahan ng NPC sina Senator Grace Poe at Lito Lapid.

Paliwanag ni Sotto, hindi pa nila napagdedesisyunan kung sino kina Senator Bam Aquino at Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang dadalhin.

Target naman ng PDP-Laban na makumpleto ang buo nilang senatorial line up ng October 9 pero hanggang ngayon ay wala pang final list ang administration party.

Batay sa sources, matindi ang political bickering ng ilang opisyal ng LP at malaking factor din ang paglipat ng suporta ng marami nilang miembro sa Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kaya hirap ma-finalize ang line up.

Nagkukumahog din ang Liberal Party sa listahan ng kanilang Senatorial candidates. Sabi ni Senator Francis Pangilinan, presidente ng LP, pipilitin nilang mabuo ang line up hanggang October 9.

Posible din na hindi nila mabuo ang 12-man Senatorial slate sa pangunguna ni reelectionist Senator Bam Aquino pero tiyak na aktibong mangangampanya si Vice President Leni Robredo.