metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Sideshow

112

September noong nakaraang taon nang ma-detain sa Senado si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Ito ay matapos siyang i-contempt ng Blue Ribbon Committee dahil tumanggi na siya na humarap sa mga hearing ng kumite matapos akusahan na dawit siya sa pagkakapuslit sa BOC ng shabu mula sa China at nakikinabang sa tara o lagay mula sa malalaking mga broker.

Katuwiran ni Faeldon, di siya nabibigyan ng sapat na pagkakataon para magpaliwanag at sagutin ang mga bintang sa kanya nina Senators Panfilo Lacson at Antonio Trillanes IV.

Dahil nahusgahan na umano siya, nagdesisyon si Faeldon na isnabin ang mga hearing ng Blue Ribbon Committee hanggang patawan siya ng contempt at idetain sa Senado.

Fast forward, nailipat na sa Pasay City Jail si Faeldon matapos ang apat na buwan na pagkakabilanggo sa Senado.

Sa hearing ng kumite noong Lunes, nagsigawan muli sila ni Senator Richard Gordon kaya nagdesisyon ang mga Senador na panatilihin siyang i-detain dahil sa umanoy kawalan ng respeto sa kumite.

Nang simulan ng Blue Ribbon Committee ang hearing sa naipuslit na P6.4-billion na halaga ng shabu mula sa China, maraming personalidad ang nadawit at ilang mga opisyal ng BOC ang nasibak sa tungkulin kabilang si Faeldon.

Sa mga ipinatawag na hearing, nasentro ang pagdinig sa tara system, Davao group at iba pa.

Umabot sa halos anim ang ipinatawag na hearing ng Blue Ribbon Committee pero hanggang mag-resume ang pagdinig noong Lunes, wala pa rin update kung sino at nasaan ang binansagang “Tita Nani”.

Mistulang telenovela ang eksena sa bawat hearing tungkol sa mga kontrobersiya sa BOC, pero gaya ng tanong ng nakararami, nasaan si Tita Nani?

Si Tita Nani ang madalas na nababanggit na sangkot sa pagpapalabas ng maraming shipment, nasa likod ng tara o suhulan pero walang nakuha na anumang impormasyon sa kanya.

Hanggat hindi natutukoy si Tita Nani, hindi matutuldukan ang kontrobersiya tungkol sa pagkakapuslit sa BOC ng shabu mula sa China, tara at kung ano-ano pa.

Yun nangyari kay Faeldon, ay mistulang sideshow lang sa tunay na isyu at ugat ng problema sa BOC.

Kahit anong gawing reporma ng bagong pamunuan ngayon ng Customs, kuwestiyunable pa rin ang mga transaksiyon hanggat hindi natutukoy kung sino at nasaan si Tita Nani.

Kung talagang mailap ito at walang naglalakas ng loob na ibulgar ang kanyang identity, ibig lang nitong sabihin, matindi ang protektor.

Pero tulad ni Faeldon, mas gusto ng publiko na kasama rin si Tita Nani sa mga natukoy, nakasuhan at naipakulong.