metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: ‘Shift mode’

102

Sa ikalawang hearing ng Blue Ribbon Committee sa Dengvaxia controversy, umapela ang mga eksperto mula sa UP-PGH na itigil na ang ingay tungkol sa Dengvaxia.

May mga ongoing investigation na ang DOJ, PAO,Kongreso at mismong DOH sa tulong ng UP-PGH.

Sabi ng mga eksperto, kung may sapat na ebidensiya sa mga dapat managot sa pagbili ng naturang bakuna kahit hindi pa 100-percent ang efficacy ng Dengvaxia, dalhin na na ito sa korte.

Sa hearing, may mga rekumindasyon na magkaroon na ng shift mula sa ingay ng kontrobersiya patungo sa aksiyon ng Department of Health sa mahigit 800,000 kabataan na nabakunahan ng Dengvaxia, kahandaan ng DOH sakaling magkaroon ng adverse effect sa kalusugan ng mga nabakunahang bata at iba pa.

Habang tumatagal ang ingay ng Dengvaxia controversy, apektado na ang buong immunization program ng DOH.

Sa Davao, may measles outbreak pero kahit mataas ang bilang ng mga bata na may tigdas, tumatanggi ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa takot na baka ang vaccines kontra-measles ay depektibo din.

Malaking porsiento ang ibinagsak ng immunization program ng DOH noong nakaraang taon para sa full immunization kontra Japanese Encephalitis, Anti-Tetanus-Diptheria, Hepatitis, Polio, Pneumonia, Mumps, Rubella maging Deworming.

Sa confirmation hearing ng Commission on Appointments bago makalusot sa CA, inamin ni Health Secretary Francisco Duque III na malaking hamon sa kanyang liderato na maibalik ang tiwala ng publiko sa immunization program ng DOH.

Sa data ni Senate President Protempore Ralph Recto, may P634-million advertising budget ang DOH ngayong taon na pwedeng gamitin para labanan ang fake news na lahat umano ng bakuna ng ahensiya ay masama at depektibo.

Sabi ni Recto, sapat ang naturang budget para makontra ang fake news laban sa immunization program ng DOH at mapakalma ang pag-aalala ng mga magulang.

Sa ngayon kasi, mayroon nang “vaccine backlash” at kung magtutuloy-tuloy ang takot ng publiko sa immunization program ng DOH, apektado ang kalusugan ng milyong-milyong bata, mga ina at senior citizens.

Ngayong taon, P7.4-B na halaga ng mga bakuna ang bibilhin ng DOH at kung hindi mawawala ang takot ng publiko sa immunization program ng ahensiya, baka magkaroon lang ng overstock.