metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Seatmates, bagong alyansa sa 2019?

133

Hindi maitago ng mga reelectionist Senators mula sa majority bloc ang himutok sa PDP-Laban.

Ilang beses na rin naman binanggit ni House Speaker Prospero Nograles, Secretary General ng PDP-Laban ang posibleng Senatorial slate ng administrasyon pero hindi kasama sa listahan ang mga Senador na kaalyado ng administrasyon.

Isa si Senator JV Ejercito na matagal nang kinakausap ni Senate President Koko Pimentel para sumama sa kanilang partido. Pero mukhang hindi na matutuloy ang offer dahil mismong si Ejercito ay tinabangan na nang madagdag ang mga Zamora, na kanilang kaaway sa pulitika sa San Juan, bilang mga pinakabagong recruits sa PDP-Laban.

Inamin din ni Ejercito na nagsimula na ang exploratory talks sa mga kapwa niya reelectionist Senators na magsama-sama na lang sa muling pagsabak sa 2019 midterm elections.

Bukod kay Ejercito, ang mga reelectionist ay sina Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Cynthia Villar, Bam Aquino at Grace Poe.

Pero ang barkada ni Ejercito sa Senado na binansagang Seatmates ay sina Angara, Migz Zubiri at Joel Villanueva.

Lately, nadagdagan na ang Seatmates, ayon kay Binay kaya mayroon na ngayong Seatmates Plus kasama sina Senators Villar, Loren Legarda at Richard Gordon.

Dahil mga senior citizens na, ang tawag ng Seatmates kay Villar ay “Mama Bear” at “Papa Bear” naman si Gordon. Ang tinatawag na “sisters” ng grupo ay sina Binay, Legarda at Poe.

Ito rin yun grupo na madalas sinasaway nina Senate President Koko Pimentel at Majority Leader Tito Sotto at sinasabihan na may “other session” dahil madalas nagkukuwentuhan ang mga ito kapag nasa Session Hall.

Sabi ni Binay, malamang magsasama ang reelectionist bloc sa 2019 pero pwede silang makipag-koalisyon sa isang partido.

“Basta ang usapan, sama-sama kami, hindi kami maghihiwalay”, sabi ni Ejercito.

Sabi ni Binay, maraming isyu sa Senado na nagkakaisa ang Seatmates Plus, gaya ng usapin ng cha-cha.

Unang “patikim” din ng Seatmates para sa 2019 ay nang magsama-sama silang dumalo two weeks ago sa BBL hearing ng Senate Committee on Local Government na pinamumunuan ni Zubiri.

Buo ang Seatmates sa BBL hearing na ginanap sa Marawi City at Cotabato City at malamang muli silang dumalo sa mga scheduled hearing ng kumite sa iba pang mga lugar Mindanao sa mga darating na linggo.

Susunod na bibisitahin ng Seatmates, ayon kay Binay, ay ang mga evacuation centers sa Albay kaugnay ng patuloy na pag-aalburuto pa rin ng Mayon Volcano.

Sabi ni Ejercito, “naging maganda ang samahan namin sa Senado. Maraming isyu na nagkakasundo kami, maayos naman siguro ang trabaho namin, mas magaan kung kami-kami rin ang magkakasama sa 2019”.

Sabagay, malayo pa ang midterm elections, marami pa ang posibleng mangyari pero nakatitiyak sina Ejercito at Binay, solid sila sa Seatmates.