metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Quality not quantity

38

Ngayong 2018, may mga nailatag nang bills ang Senado para maipasa. Kabilang dito ang Bangsamoro Basic Law, panukalang National ID system, Anti-terrorism law at pagpapalit sa sistema ng gobyerno mula presidential tungo sa federal form.

Sa apat na priority bills, mas uunahin ng Senado na mapagtibay ang BBL at magpapatawag ng hearing ngayong buwan si Senator Migz Zubiri, vice chairman ng Committee on Local Government.

Para mabilis na umusad ang pagdinig sa BBL, plano ni Zubiri na magpatawag ng sunod-sunod na hearing hindi lang sa Senado kundi sa ibat-ibang mga lugar sa Mindanao na masasakop ng BBL.

Sa impormasyon, ide-delay ng Kamara ang impeachment hearing laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Mula sa unang schedule na March, baka Mayo na iakyat sa Senado ang impeachment laban kay Sereno.

Priority muna ng Senado na tapusin ang ilang panukalang batas kabilang ang BBL hanggang Marso bago magsilbing impeachment court.

Pagdating sa schedule, tiniyak naman ni Senate President Koko Pimentel, hindi maaapektuhan ang kanilang session days at committee hearings.

Monday to Wednesday pa rin ang sesyon at kung magsisilbing impeachment court ang Senado, gagawin ang impeachment trial kay Sereno ng Huwebes at Biyernes at kung kakailanganin, maging araw ng Sabado.


Hindi pinalagpas ni Senate President Koko Pimentel ang kantiyaw ni House Speaker Pantaleon Alvarez na “mabagal na kapulungan” ang Senado.

Sa patutsada kasi ni Alvarez, nade-delay ang mga napagtitibay nilang batas sa Kamara dahil sa kupad umano ng Senado para maipasa ang mga ito.

Kung padamihan ng naipapasang bills, walang laban ang Senado sa Kamara. Pero karamihan dito ay local bills gaya ng pagbabago o pagsasama ng pangalan ng mga paaralan, pagdaragdag ng hospital beds, pagpapalit ng pangalan ng mga kalsada at iba pa.

Ang ganitong mga bill ay hindi nangangailangan ng mahabang panahon kaya kung bibilangin nga naman ang mga naipapasang panukalang batas, sandamakmak ang sa Kamara.

Pagdating sa Senado, mas mahaba ang talakayan at hinihimay ng husto ng mga Senador ang mga probisyon ng panukala dahil buong bansa ang epekto at implikasyon nito kapag napagtibay.

Hirit ni Pimentel kay Alvarez, “let us not judge law making in terms of how the laws we pass, improve the quality of life Filipinos. Let’s change our mindset – from quantity to quality”.