metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Political commodity

150

Sensitibo ang isyu ng supply at presyo ng bigas.

Pwedeng dedmahin ng publiko ang anumang ingay sa pulitika at iba pang isyu pero ibang usapan kung mismong National Food Authority ang aamin na kulang o wala nang supply ng NFA rice sa merkado.

Poliical commodity ang bigas at ang anumang balita ng rice shortage ay sapat na para tumaas ang presyo ng lahat ng commercial rice sa pamilihan.

Dito rin masusukat ang pagiging sensitive ng isang administrasyon sa kalagayan ng mga mahihirap na consumers dahil ang mga ito ang pangunahing nakikinabang sa mababang presyo ng bigas.

Ika nga, malapit sa sikmura ni Juan dela Cruz ang isyu sa supply at presyo ng NFA rice kaya hindi dapat ito binabalewala ng Malakanyang.

Noong unang pumutok ang kakapusan ng buffer stock ng NFA rice, agad na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang importation ng bigas.

Bakit hindi agad ito sinunod ng NFA kaya eto na naman ang problema sa kakapusan ng supply.

Bukod sa mahinang liderato ng mga namumuno sa NFA, wala rin silang koordinasyon sa iba pang concerned government agencies.

Papaano makakaasa ang publiko na matutugunan ang kakapusan ng supply at presyo ng NFA rice kung mismong ang mga namumuno sa NFA ay hindi nakikipag-coordinate at hindi kasundo ang mga nasa Department of Agriculture at NFA Council?

Wala rin rason para magkulang sa supply dahil subsidized ang NFA mula sa taxpayers money.

Sa pagtaya ni Senate President Protempore Ralph Recto, 30-percent ng mga pinakamahihirap na pamilya ay ginagastos ang 70-pecent ng kanilang sahod sa pagbili ng bigas.

Ayon kay Recto, “to prove that they are not forgotten, the government should deploy rolling rice stores to poor urban areas to show that there’s enough rice”.

Di na rin dapat patagalin pa ni Pangulong Duterte at agad nang sibakin sa puwesto si NFA Administrator Jason Aquino.

Bukod kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, wish lang ng publiko na dapat makasama sa mga sisibakin ay si Aquino at iba pang mga opisyal ng NFA.

Pero bukod sa pagsibak sa mga opisyal ng NFA, dapat repasuhin din ng charter nito habang may nagmumungkahi naman na tuluyan nang buwagin ang naturang tanggapan.

Dahil subsidized ang NFA, bakit hindi prayoridad ang pagbili ng palay mula sa mga local farmers?

Epektibo pa ba ang government to government o ipaubaya sa private sector ang rice importation?

Ilan lang ito sa mga dapat resolbahin bukod sa pagsibak sa mga incompetent NFA officials para hindi paulit-ulit ang problema sa presyo at supply ng NFA rice.