metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: ‘How to be you po?’

150

Mistulang si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpunta sa Senado noong Lunes sa hearing ng Senate Committee on National Defense and Security sa isyu ng frigate controversy.

Si Special Assistant to the President Bong Go, ang pinakamalapit na opisyal kay Pangulong Duterte ang humarap sa Senate investigation.

Full force ang mga miembro ng gabinete ng Pangulo.

Tila nailipat sa Senado ang Cabinet meeting dahil halos lahat ng Cabinet members ay dumalo para bigyan ng moral support si Go.

Pabirong tanong ni Senator Chiz Escudero, “kumpleto ang gabinete dito sa Senado. Meron pa bang naiwan sa Malacanang? Sino ang kasama ni Pangulong Digong”?

Biruan pa sa Senado, maririnig na rin ang boses ni Go dahil karaniwan, nasa background lang siya ng Pangulo.

Sa labas ng Senate building, maaga pa lang nagtipon-tipon na ang mga tagasuporta ng Duterte administration, lahat naka-kulay pulang t-shirt.

Kung sa mga nakalipas na administration, ang Executive Secretary ang tinaguriang The Little President.

Kung ano ang sinabi at body language ng Little President, yun na rin ang desisyon at aksiyon ng Pangulo.

Pero ngayon sa Duterte administration, mas hinigitan pa ni Go ang Executive Secretary dahil sa ipinakitang suporta sa kanya ng buong gabinete.

Ika nga sa Palasyo, walang lalakas pa kay Go pagdating kay Pangulong Duterte. Siya ang pinagkakatiwalaan ng Pangulo sa lahat ng kanyang mga opisyal.

Mula sa pagiging Kongresista, Mayor ng Davao City hanggang sa Malacanang, magkasama silang dalawa ni Pangulong Duterte. Iba na ang may pinagsamahan.

Ano ba ang mensahe ng pagharap ni Go sa Senate hearing?

Ang kusang pagharap ni Go sa hearing ng Senate Committee on National Defense and Security ay patunay na nirerespeto ng Palasyo ang Mataas na Kapulungan.

Hindi naging isyu ang pagtanggi ng Malacanang na paharapin ang sinumang Cabinet members lalo na ang pinakamalapit na opisyal ng Pangulo.

Sa kabilang panig, hindi na kailangan magbanta si Pangulong Duterte na dapat mag-walkout ang sinumang Cabinet member kung pahihiyain sa anumang pagdinig ng Senado.

Depensa ni Senator Ping Lacson, nirerespeto ng Senado ang Palasyo bilang co-equal branch. Hindi rin hahayaan na may mabastos sa pagdinig dahil mismong ang mga Senador ang didisiplina sa kanilang kasamahan na gagawa nito.

Maging si Senator Antonio Trillanes IV, isa sa matinding kritiko ni Pangulong Duterte ay behaved naman sa pagtatanong sa Senate hearing. Hindi nakakitaan ng pamba-bastos si Trillanes at sa katunayan, nakipag-selfie pa ang Senador kay Go matapos ang Senate hearing.

Samantala, sa kabila ng frigate controversy, ang pinaka-isyu dito ay dapat matuloy na ang modernization program ng Philippine Navy.

Halos 20-years nang nakatengga ang modernization program, di pa noon pinag-uusapan ang West Philippine Sea at Benham Rise. Kung matutuloy, sa ilalim ng Duterte administration, baka maiimplement na ang Philippine Navy modernization program.

Sa panahong ito, kailangan ng barkong pandigma ng Philippine Navy. Napapaligiran ang Pilipinas ng karagatan at mahalaga na malakas ang ating Navy para mapangalagaan ang maritime resources ng bansa, national security, border patrol kabilang ang West Philippine Sea at Philippine Rise.