metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: October scenarios

172

Pinaninindigan ng Armed Forces of the Philippines ang destabilization plot laban sa Duterte administration.

Sabi ng ilang Senador, kung may intel report ang AFP, hindi ito dapat balewalain pero dapat maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko.

Pero sa dami ng problema ng ating bansa ngayon, kabilang ang ayaw paawat na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at presyo ng produktong petrolyo, ang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakahuling susuportahan o ikukunsidera ng mga mamamayan.

Dahil sa patuloy na paglobo ng inflation at pagtaas ng presyo ng petroleum products, mas gugustuhin ng publiko na ang mga ito ang aksiyunan ng Malacanang.

Definitely, hindi susuportahan ng nakararaming mamamayan ang “red October” plot kahit pinaninindigan ito ng AFP.

Sa halip na abangan ang mangyayaring ouster plot sa pagitan ng October hanggang December, mas maraming magagawa ang gobyerno sa pagitan ng mga nabanggit na buwan para mapagaan ang pinapasan na hirap ni Juan dela Cruz.

Ngayong October hanggang pagsapit ng kapaskuhan, pwedeng gawan ng paraan ng Palasyo para maawat ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Senate Minority leader Franklin Drilon, nasa kapangyarihan ni Pangulong Duterte ang pagsuspindi sa excise tax on fuel. Hindi kailangang hintayin ang tatlong buwan para gawin ang suspension.

Sabi ni Drilon, sa panig ng Senado at Kamara, magpapasa lamang sila ng joint resolution na susuportahan ang aksiyon ng Pangulo para ma-suspend ang ipinapataw na excise tax on fuel.

May oras pa ang Malacanang at dalawang kapulungan ng Kongreso para ito’y aksiyunan bago mag-break ang session sa paggunita ng undas.

Ngayong October dapat sigurong magpakitang gilas na ang Department of Agriculture at Department of Justice para sampolan ang mga sangkot sa profiteering.

Ito ay sa harap ng pahayag ni Pangulong Duterte na kikilos ang gobyerno laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Filing na rin ng certificate of candidacy ngayong linggo, inaasahan na magkakaroon ng balasahan sa gabinete ng Pangulo.

Kung ibat-ibang sektor ang tatanungin, dapat mag-appoint si Pangulong Duterte ng mga karapat-dapat na maglingkod at nakaka-relate sa hirap na nararanasan ni Juan dela Cruz.

Ngayong October, dapat simulan na rin ng Palasyo ang pagbibigay ng regular update sa kalusugan ni Pangulong Duterte para maiwasan ang fake news at mga speculation.

Karapatan ng taongbayan na malaman ang state of health ni Pangulong Duterte lalo na’t ang kalusugan ng Presidente ay national security issue.