metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Mga isyung malapit sa sikmura

180

Kaliwa’t kanan ang mga panawagan ngayon na suspindihin ang excise tax sa petroleum products na nasa probisyon ng TRAIN law sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng halos lahat ng mga bilihin.

Kung Senado ang tatanungin, wala na sa kanila kundi nasa economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kung sususpindihin ang probisyon ng excise tax sa petroleum products o buong TRAIN law.

Dahil dito, ibat-ibang mitigating measures ang gagawin ng Malacanang para mabawasan ang impact ng batas sa pang-araw-araw na kabuhayan ng mga mamamayan.

Isa sa ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Department of Labor and Employment ay pag-aralan ang umento sa sahod ng mga manggagawa.

Sa Kamara, may mga panukala para sa legislated wage hike pero wala itong counterpart bill sa Senado.

Ayon kay Senate President Protempore Ralph Recto, nasa kapangyarihan ng Kongreso na magsulong ng legislated wage hike pero sa kasalukuyang sitwasyon matagal ang naturang proseso.

Kaya walang choice ang mga manggagawa kundi hintayin ang magiging rekumindasyon ng mga Regional Wage and Productivity Board.

Pero sa totoo lang, dapat sensitibo din ang mga nasa RWPB sa dinaranas na hirap ng mga manggagagawa.

Sa mga nagdaang panahon, kahit ilang beses nang tumaas ang presyo ng petroleum products at nagresulta na ng domino effect sa presyo ng lahat ng mga bilihin, kakarampot ang umento sa sahod.

Isa sa mga pinag-aaralan din ng gobyerno ay bigyan ng cash subsidy ang mga manggagawa sakaling hindi umubra ang wage hike.

Pero aminado ang pamahalaan, na mangangailangan ng malaking pondo para sa cash subsidy at mas malamang malabo itong ipatupad.

Bakit hindi i-implement ang mga non-wage benefits? Dapat magkusa rin ang mga employer na tumulong para sa benepisyo ng kanilang mga empleyado gaya ng rice allocation sa mga manggagawa na pwedeng sagutin na ng mga employer lalo na kung maganda naman ang kita.

Isa rin sa mga inutusan ng Malacanang ay ang Department of Trade and Industry na imonitor ang mga negosyanteng nagsasamantala sa pagtataas sa presyo ng kanilang mga paninda.

Hindi lang sapat ang monitoring. Dapat may masampolan ang DTI na mga mapagsamantalang negosyante na noon pang Enero nandadaya ng presyo kahit hindi pa epektibo noon ang TRAIN law.