metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Mga ingay ng USTe

58

Ibinalik na ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson ang award na Thomasian Alumni Award for Government Service na iginawad sa kanya ng University of Sto.Tomas Alumni Association.

Dahil marami ang tumututol sa naturang award mula sa UST community at UST Central Student Council, ibinalik ni Uson ang naturang award bago umalis noong Miyerkules papuntang India para sa biyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod sa revocation ng award na iginiit ng UST community at UST Central Student, napilitan din na magresign ang Presidente ng USTAAI na si Henry Tenedero.

Sa interview ng programang One on One sa DZRH kay John Simon, Vice President ng USTAAI, hindi masyadong malinaw ang naging criteria sa pagpili kay Uson para ibigay sa kanya ang Government Service award.

Sa paliwanag ni Simon, marami daw natulungan si Uson, may mga proyekto daw ito na nakatulong sa mga mahihirap etc, etc, pero nabigo naman ito para isa-isahin kung ano-ano bang tulong ito.

Buwelta pa ni Simon sa mga bumabatikos lalo na sa mga kabataang mag-aaral ng UST, huwag mapanghusga.

Sa interview pa rin ng DZRH, hindi naitago ni Pat Yanga ng UST Journalism Society ang pagkadismaya sa desisyon ng USTAAI.

Sabi ni Yanga, “hindi katanggap-tanggap ang inaasal niya bilang isang government official. Ibig bang sabihin ng USTAAI, ganito ang dapat tularan ng mga kabataan”?

Pero dahil sa ingay ng mga tumututol sa ibinigay na award, alam din ng USTAAI na may mga pagkukulang sa criteria.

Sa editorial ng Varsitarian, ang official paper ng UST, nabalewala umano ng UAAI ang track record ni Uson.

Hindi rin ito dumaan sa masusing nomination and selection process ng alumni committees and experts.

Sa ilalim ng proseso, pwede kasing i-veto ng Office of the Father Rector na nagbibigay ng final clearance kung karapat-dapat o hindi ang pagkakalooban ng mga award.

Saka ang depensa ng UAAI na tulong umano ni Uson sa mga mahihirap, ay kuwestiyunable na.

Halos wala pang isang taon sa kanyang tungkulin si Uson, kaya maaga pa para kilalanin ang mga nagawa umano nito sa ilalim ng Duterte administration.

Sa mga kontrobersiyang kinaharap ng UST kamakailan dahil sa hazing case ni Horacio Thomas Castillo III, sabi nga ng USTe community, di magandang makaladkad muli ang pangalan ng kanilang unibersidad.