metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Mga hamon kay Guevarra

231

Bukod sa imahe ng Department of Justice, mas malaking hamon kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang maraming mga problema sa ahensiya.

Hirit ni Senate President Protempore Ralph Recto, dapat hindi lang maging abala si Guevarra sa pagbabangon ng imahe ng DOJ matapos mag-resign si Vitaliano Aguirre.

Ayon kay Recto, higit pa sa imahe ang magiging sakit ng ulo ni Guevarra sa ahensiya.

Hindi anya sapat ang changing of the guards lang para magkaroon ng pagbabago sa sistema at proseso ng DOJ.

Matagal nang kapos sa mga empleyado at equipment ang DOJ lalo na ang mga kakatawan sa mga mamamayan sa mga hukuman, mapabilis ang justice system at habulin ang mga nasa likod ng organized crimes.

First order of business na dapat gawin ni Guevarra ayon kay Recto ay punan ang napakaraming bakanteng posisyon sa ibat-ibang ahensiya na nasa ilalim ng DOJ.

Sa ngayon, 1,657 ang bakante sa prosecutorial posts. Pangunahing problema kaya hindi napupunan ang mga vacant posts dahil bukod sa maliit ang suweldo, madalas nakatatanggap ng death threats ang ilang government prosecutors.

Dahil kulang ng mga government prosecutors, 403 criminal cases ang hinahawakan ng isang prosecutor.

Sa isang araw, tatlong hearing ang kailangang puntahan ng isang prosecutor bukod pa ang mga preliminary investigation, retrials, witness deposition, mediation at iba pa.

Kulang na kulang din ang mga abugado ng Public Attorney’s Office. Bawat isang PAO lawyer, may tinatayang 5,237 clients kada taon o katumbas ng 504 cases sa korte.

Lahat ng mga opisina ng mga ito ay kulang ang computers na higit nilang kailangan sa mga paralegal. Wala na nga na magandang opisina, buy-your-own-supplies pa ang mga government prosecutors at PAO lawyers.

Matagal ng dapat inayos ng DOJ ang problema ng congestion o pagsisiksikan ng mga bilanggang sa halos lahat ng mga bilangguan sa bansa.

Sa data ng New Bilibid Prisons, 181 percent ang congestion rate. Ang mga kulungan na dapat mayroon lamang 8,460 na mga bilanggo, pinagkakasya ang 23,749 prisoners.

Katuwiran ni Recto, budget delayed is justice denied. Kaya kailangan ang dagdag na budget ng ahensiya sa susunod na taon para ma-implement ang mga reporma.

Ngayon pa lang anya, dapat mag-double time na si Guevarra hindi lang para maiangat ang imahe ng ahensiya kundi higit sa lahat maging mabilis ang disposition at mabawasan ang backlog ng mga kaso.