metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: May deadlock pa kaya?

178

Kahit naka-sine die adjournment ang sesyon, patuloy ang paghimay ng Senado at Kamara para ma-reconcile ang magkakaibang probisyon ng pinagtibay na Bangsamoro Basic Law.

July 9-13 ang scheduled meeting ng bicameral conference committee on the BBL.

Ngayon pa lang, nanindigan ang Senado na ipaglalaban ang kanilang posisyon sa BBL.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, malayo ang bersiyon ng Senado kumpara sa Kamara pero naniniwala ang Senador na mananaig ang layunin ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na pagtibayin ang BBL para makatulong sa pagtamo ng kaayusan at katahimikan sa Mindanao.

Aminado si Drilon na isa sa mga mainit na tatalakayin sa bicam ay ang isyu ng block grant at ang share ng national government taxes na kinulekta sa bangsamoro at iba pang tariff and customs duties.

Sa proposal ng House, 25% share para sa national government at 75% sa Bangsamoro habang sa bersiyon ng Senate, ito’y 50-50 sharing.

Ilan pang “sticky issues” : pagbabawal ng political dynasties na mariing tinututulan ng Bangsamoro Transition Commission;

Pagbabawal sa Bangsamoro Parliament na isama sa kanilang annual appropriations ang pagbili ng mga bagong armas, ammunitions and explosives pero wala ito sa bersiyon ng Kamara;

Pagbuo ng Bangsamoro police kung saan sa Senate version ang regional director ay pipiliin ng Chief Minister mula sa list of nominees na isinumite ng PNP Senior Officers Placement and Promotion Board at inaprubahan ng PNP Chief at kinumpirma ng National Police Commission. Sa bersiyon ng Kamara, ang DILG Secretary ang magtatalaga ng regional director;

Inalis din ng Senado ang probisyon para sa pagbubuo ng Sharia’h Judicial and Bar Council na magrerekuminda sa Shari’ah Courts, pero ang probisyon ay na-retain sa House version.

Sa panig ni Senate Majority Floorleader Migz Zubiri, ngayon pa lang ay paghahandaan na nila sakaling magkaroon ng deadlock sa bicam.

Sabi ni Zubiri, posibleng kunsultahin o mamagitan si Pangulong Duterte, mga kinatawan ng government peace panel at MILF sakaling hindi maayos ang mga pinagtatalunang probisyon sa BBL.

Target ng bicam na ma-reconcile ang magkaibang Senate at House versions para maihabol ang ratification ng BBL sa pagbubukas ng sesyon sa July 23 bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa hapon.

Kunsabagay, mas mabuti na ngayon pa lang mahimay at pagtalunan na ang mga probisyon ng BBL kaysa mabalewala lang ang panukala sa sandaling kuwestiyunin ang legalidad nito sa Supreme Court.

Una rito, sinabi ni Senate President Tito Sotto, nirepaso ng mga Senador ang bawat probisyon ng BBL para matiyak na ito’y constitutional at hindi matulad sa sinapit noon ng Memorandum of Agreement on Ancestral Domain.