metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Kapalaran ng TRAIN 2

158

Magbabago kaya ang posisyon ng mga Senador kung makikiusap si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasa ang TRAIN 2?

Sa all-Senators’ caucus walang interesado na mag-sponsor ng bill para umusad ang TRAIN 2.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, maraming kuwestiyon ang mga Senador sa implementasyon ng TRAIN na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sabi ni Sotto, bago itulak ang panibagong pagbubuwis, alamin muna ang epekto ng TRAIN sa presyo ng bilihin at inflation.

Hanggang ngayon anya, kulang ang mitigating measures para makatulong sana sa impact sa publiko ng pagtaas ng presyo ng basic commodities.

Katuwiran ng nakararaming Senador, bago i-implement ang TRAIN 2, dapat isipin din ang panibagong pasanin sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan.

Pero maninindigan kaya ang Senado sa kasalukuyan nitong posisyon sa TRAIN 2? Papaano kung sabihin ni Pangulong Duterte ang pangangailangan na maipasa ang second phase ng batas?

Di ba ang tax reform ang prayoridad ng Duterte administration para mapondohan ang Build, Build, Build program ng gobyerno?

Kung pagbabasehan ang posisyon ngayon ng Senado, bukod sa TRAIN 2, malamig din ang mga Senador na itulak ang pag-amyenda sa ating saligang batas.

Nagkakaisa ang mga Senador na hindi dapat madaliin ang cha-cha lalo pa at ang naisumiteng draft federal constitution ng consultative committee ay marami umanong loopholes.

Mas makabubuti umano na ituloy pa rin ang mga hearing at kunsultasyon para mas lalong maindihan ng publiko ang tungkol sa federalism.

Kung ang chacha pwede pa sigurong isakripisyo ng Malacanang pero ibang usapin pagdating sa TRAIN 2.

Kung talagang concern ang Senado sa epekto ng TRAIN 2 sa mga ordinaryong mamamayan, dapat siguruhin na bago pa man iimplement ang second phase ng batas, in placed na ang mga mitigating measures.

Nakita naman siguro ng mga mambabatas ang negatibong epekto ng TRAIN kaya dapat maging maingat na sa mga probisyon ng TRAIN 2.

Sa totoo lang, di naman pwedeng isisi lang sa economic managers ng Palasyo dahil kasama din ang mga mambabatas sa pagtalakay ng tax reform package.