metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Kailangan may masampolan

141

Ang National Food Authority ang dapat sisihin kaya tumaas ang presyo ng bigas sa pamilihan.

Sa hearing ng Senate Committee on Agriculture and Food, sinabi ni Senator Cynthia Villar, chairman ng kumite, kasalanan ng NFA at sa iresponsable umanong pahayag ni Administrator Jason Aquino kaya tumaas ang presyo ng bigas.

Ayon ay Villar, bakit kailangan isapubliko ni Aquino na kulang na ang buffer stocks ng NFA rice. Pwede naman itong gawan ng paraan ng NFA nang hindi pinapangalandakan para hindi lumikha ng panic sa merkado.

Kaya ang resulta, nagpanic ang mga consumer sa takot na magkaroon ng rice shortage, tumaas ang presyo at ilang mga negosyante nagtago ng supply.

Bukod sa palpak na announcement sa media ni Aquino, sinabi ni Villar na posibleng sinadya ito ng naturang opisyal para mapressure ang NFA Council na aprubahan ang rice importation.

Dahil sa mga kapalpakan sa NFA, iginiit na nina Senators Bam Aquino at Grace Poe na dapat magresign na lang sa kanyang tungkulin si Aquino.Naniniwala ang mga Senador na may maitatalaga pa naman ang Pangulo ng may kakayahan para pangasiwaan ang NFA.

Kapag supply at presyo ng bigas ang isyu, hindi pwedeng maging mabagal ang aksiyon ng gobyerno lalo na ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan. Pwedeng mag-reflect ito sa aspeto ng pulitika at ekonomiya.

Staple food ang bigas, apektado dito ang mga mamamayan lalo na ang mahihirap na sektor.

Pero kapag may problema sa presyo at supply ng bigas, laging napag-uusapan sa mga hearing ang mga sangkot sa rice cartel.

Paulit-ulit din nababanggit ang pangalan ni Jason Bangayan. Ilan beses din siya dumalo sa mga hearing sa Kamara at Senado tungkol sa rice smuggling.

Bukod kay Bangayan, kasama din sa mga nasa listahan ng umanoy nasa likod ng rice cartel ang ilan mga personalidad. Pero tulad ng dati, kapag nag-normalize ang supply at presyo ng bigas, nakakalimutan na ang mga taong ito.

Ayon kay Villar, mas pinalakas na ngayon ang ating mga batas kontra smuggling. Makakasuhan na ng economic sabotage ang mga sangkot sa pagmamanipula ng presyo at supply ng mga agricultural products lalo na ang bigas.

Noong pang nagdaang 16th Congress iniimbestigahan ni Villar ang tungkol sa rice cartel pero hanggang ngayon ay walang pang nasasampolan, walang nakakasuhan.

Paliwanag ni Villar, may mga ibinigay nang rekumindasyon ang Senate Committee on Agriculture sa Department of Justice at National Bureau of Investigation. Ang tanong, may sinampahan na ba ng kaso ang DOJ at NBI?

Kahit may mga umiiral nang batas kontra rice smuggling, kung walang nasasampolan at mabagal ang kilos ng DOJ at NBI, balewala rin, paulit-ulit lang ang problema sa supply at mataas na presyo ng bigas.