metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Info campaign

9

Negatibo ang reaksiyon ng ilang sektor sa naging statement ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo nang humarap ito sa Senate hearing tungkol sa panukalang charter change.

Sa statement kasi ni Panelo, sinabi nito na kulang sa edukasyon ang nakararami nating mamamayan. Kulang na lang daw, sabihin ni Panelo na maraming mga Pinoy ay “bobo”!

Sa hearing ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na pinamumunuan ni Senator Francis Pangilinan, sinabi ni Panelo, “Pagdating sa botohan, bakit madaling maimpluwensiyahan? Bakit madaling mabili? Bakit madaling matakot? Overwhelming majority ng ating mga kababayan ay hindi edukado. Walang edukasyon”.

Sa statement na ito, marami ang na-hurt, pero sa totoo lang, may punto, at ito ang sitwasyon natin sa Pilipinas.

Sa tutuusin, sa mega-Manila lang mainit at maingay ang isyu ng chacha.

Pero mas maingay itong tinatalakay sa apat na sulok ng Batasan Pambansa.Di tuloy maiwasan na makulayan ng vested interest ng mga mambabatas matapos lumutang ang isyu ng term extension.

Marami sa mga mamamayan, hindi alam kung ano ang constituent assembly at kung ano ang pagkakaiba nito sa constitutional convention? Bakit pinagtatalunan ng mga Senador at Kongresista ang concon at conass? Makakain ba ito? Ilan lang ito sa tanong ng mga nakararami nating mamamayan.

Sa ngayon kasi, mas iniintindi ng publiko kung may masasakyan sa pagpasok sa trabaho o eskwela, magkakasya ba ang sweldo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin epekto ng tax reform, kailan mareresolba ang perwisyong traffic, etc, etc.

Bago ikasa ang mga usapin sa chacha, at kung anong porma ang gagamitin sa pagitan ng concon o conass, dapat ipaliwanag muna sa publiko sa pamamagitan ng massive information campaign and voters’ education.

Sa plano kasi, ikukunsulta sa taongbayan sa pamamagitan ng plebesito ang pormang gagamitin sa pag-amyenda sa ating saligang batas. Kung hindi naiintindihan ng nakararaming mga botante ang pagkakaiba ng concon at conass, balewala ang layunin ng plebescite o referendum.

Plano ng kumite ni Pangilinan na magsagawa ng mga hearing sa ibat-ibang panig ng bansa hindi lang sa Senado. Layunin nito na marating lahat ng sektor at makuha ang pulso ng taongbayan.

Sana rin, magpatuloy ang matalinong talakayan sa isyu ng charter change. Very educational ang ginawang hearing ng Senado noong Miyerkules dahil mas narinig ang posisyon ng mga resource persons tulad nina dating Supreme Court Chief Justices Hilario Davide Jr., Reynato Puno, Adolf Azcuna, dating Senate President Aquilino Pimentel Jr. at iba pa.

Biruan nga, wala daw graduate ng AIM ang nasa hearing, o Ayaw Ipasa ang Mikropono!

Isa rin sa magandang punto sa isyu ng chacha ang opinyon ng isang texter na listener ng DZRH.

Sa text ni Justice Antonio Lubao ng General Santos City, “we need to change politically.Thus we need to amend the Constitution by removing the bad provisions of the Cory constitution that was drafted by people with hatred in their hearts and hamonizing the 1935, 1973 and Cory constitution to make our country competitive worldwide for the next 200 years”.