metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Hamon kay Bato

34

Three months ago pa alam na ni PNP Chief General Ronald dela Rosa na ang susunod niyang assignment ay sa Bureau of Corrections.

Magre-retiro na si Bato sa Enero at maagang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang susunod niyang appointment.

Halos walang pinag-iba ang magiging susunod na appointment ni dela Rosa, pero tulad ng kampanya laban sa illegal drugs, matindi rin ang kahaharapin nitong problema sa droga sa loob ng New Bilibid Prisons.

Hanggang ngayon, talamak ang mga naipupuslit na droga sa NBP. Base sa mga report, tuloy pa rin ang operasyon ng mga convicted drug lords sa loob ng kanilang mga selda.

Dito masusubukan ang liderato ni Bato pagdating sa kampanya laban sa illegal drugs.

Kumbaga, mula sa PNP, tuloy ang war on drugs ni Bato sa loob ng NBP.

Ibat-iba ang reaksiyon ng mga Senador sa magiging bagong posisyon ni Bato.

Sabi ni Senator Panfilo Lacson, ilang buwan na itong nabanggit sa kanya ni Bato at hindi na siya nagulat nang i-announce ng Malacanang na sa BUCOR mapupunta ang PNP Chief.

Ayon kay Lacson, ang pagdating ni Bato sa BUCOR ay banta sa mga convicted drug lords na huminto na o maghinay-hinay sa kanilang patuloy na drug trade.
Ito rin ang paniniwala ni Senate Majority Leader Tito Sotto. Sabi ni Sotto, “ good choice si Bato, dyan na titino ang Munti”.

“Very challenging job, I wish him well”, ito naman ang reaksiyon ni Senator Chiz Escudero at sana ay magtagumpay siya sa kampanya para matigil ang illegal drug trade sa Bilibid.

Bago ang appointment sa BUCOR, matunog ang plano ni Bato sa 2019. Ilang beses na rin lumutang ang pangalan nito bilang isa sa mga possible Senatorial candidates ng administrasyon.

Sikat at kinukunsidera noon na “darling of the press” si Bato nang ma-appoint ni Pangulong Duterte. Madaling ma-interview, may charisma sa publiko, halos lahat gustong magpa-selfie sa PNP Chief.

Pero nang ilunsad ang war on drugs at nasangkot ang ilang pulis sa isyu ng mga extra judicial killings, hindi na masyadong “rock star” ang dating nito sa publiko. Mahaba pang panahon at malaki pang hamon ang kahaharapin ng PNP para mapagtagumpayan ang kampanya laban sa droga.

Ang tanong, ang pagiging BUCOR Chief ang tamang pwesto ba na dapat ibinigay kay Bato kung paghahanda sa 2019 ang pag-uusapan?

Mismong si Lacson aminado na hindi ang pagiging BUCOR Chief ang pwesto na dapat hawakan ni Bato kung may balak sumabak sa 2019 midterm elections.

Sa kabilang banda, sinabi ni Lacson na kung maaayos ni Bato ang sistema sa Bilibid, mabawasan man lang nito kundi man tuluyang masugpo ang illegal drug trade sa NBP, malaki itong pogi points sa outgoing PNP Chief.

Di biro ang problema ng illegal drug trade sa Bilibid. Kung magsisimula sa BUCOR si Bato sa Enero, hindi rin siya magtatagal sa pwesto dahil paghahandaan nito ang kanyang kandidatura sa 2019.

Hindi sapat ang halos isang taon lang nitong panunungkulan para maipatupad ang reporma sa Bureau of Corrections pero kung may mga pagbabago, tatatak ito sa mga botante.
Ito ang hamon na haharapin ni Bato. At sa pagkakataong ito, hindi na uubra ang paiyak-iyak lang para maligawan ang mga botante sa 2019.