metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: From TitoSen to TitoPres

230

Sa pagpapalit ng liderato ng Senado, nangako si Senate President Tito Sotto na magpapatuloy ang magandang koordinasyon sa pagitan ng Malacanang para maisulong ang legislative agenda ng Duterte administration.

Isang araw matapos maluklok bilang Senate President, sumulat na si Sotto kay Pangulong Rodrigo Duterte para i-certify bilang urgent bill ang panukalang Bangsamoro Basic Law.

Tiniyak din ni Sotto na hindi niya hahayaan na mabatikos ang Senado. Napuna kasi noon na walang ginawang depensa si Pimentel nang tawagin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na “slow chamber” ang Senado dahil inuupuan daw ang mga priority bills ng Duterte administration.

Di rin pinalagpas ni Sotto ang kanyang mga basher kasabay ang hamon na tignan ang mga naipasa na panukalang batas na siya ang may author, karamihan may kinalaman sa kampanya laban sa droga at karahasan.

Depensa pa ni Sotto, di problema kung hindi siya abugado. Naging maganda naman anya ang palakad sa Senado nina dating Senate Presidents Blas Ople at Manny Villar na tulad niya ay hindi abugado.

Kumpara kay Pimentel, madaling lapitan at maayos makisama sa Senate media si Sotto. Karamihan sa mga reporter na nagko-cover sa Senado, kilala at tinatawag niya by first name.

Ang advantage ni Sotto, hindi tali ang kanyang kamay. Hindi siya kapartido ng Pangulo.

Isa si Sotto sa mga stalwart ng Nacionalist People’s Coalition. Dahil hindi siya kapartido ng administrasyon, masasabing immune si Sotto sa tinatawag na political intramurals.

Matatandaan, kaya hindi rin maka-aksiyon noon si Pimentel lalo na sa isyu laban sa administrasyon, kaalyado mismo siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PDP-Laban.

Bago umaksiyon, kailangang balansehin muna ni Pimentel ang posisyon ng partido lalo na kung ang kanyang statement ay makakaapekto sa mga policy ng Duterte administration.

Dahil sa pagiging immune sa political intramurals, inaasahan na gagamitin na pagkakataon ito ni Senate President Sotto para mapanatili ang independence ng Senado.