metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Education campaign kontra droga

92

Maganda ang layunin ng Philippine Drug Enforcement Agency sa panukalang mandatory drug test sa mga guro at estudyante.

Grabe ang problema sa droga at kailangan mabigyan ng proteksiyon ang mga kabataan laban sa tukso ng paggamit at pagtutulak ng iligal na droga.

Sa interview ng programang OneOnOne sa DZRH, ipinaliwanag ng PDEA na kaya nirekuminda nila na simulan sa Grade 4 students ang mandatory drug test dahil base sa kanilang data, may mga anim na taong gulang ang nagagamit umano ng mga sindikato sa pagtutulak.

May ilan din umanong guro ang gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga.

Mismong ang Department of Education tutol sa panukala. Sa ilalim ng batas o RA 9165, pinapayagan ang random drug testing sa mga estudyante sa secondary and tertiary levels.

Ibig sabihin, hindi pwede ang panukala ng PDEA na ipatupad ito sa mga Grade 4 students na ang edad ay nasa pagitan lang ng 9 to 10 years old.

Bukod sa labag umano sa batas, malaking isyu din ang pondo sakaling matuloy ang plano ng PDEA.

Tinatayang P4B ang magagastos ng gobyerno sa implementasyon ng mandatory drug testing sa mga guro at mag-aaral.

Bwelta ng Alliance of Concerned Teachers, pwedeng ilaan ang P4B para idagdag sa sweldo ng mga guro at pagpapatayo ng mga school building sa ibat-ibang panig ng bansa.

Sa Senado, suportado ang anti-drug campaign ng Duterte administration pero nagkakaisa ang mga Senador na sobrang bata ang mga nasa Grade 4.

Sa panig ni Senator Sonny Angara, dapat isama sa school curriculum ng K-to-12 ang pagbibigay ng impormasyon sa mga kabataan sa masamang epekto ng paggamit at pagtutulak ng illegal drugs.

Sa ilalim ng Senate bill 311, ipinapanukala ni Angara, kung di man maisama sa K-to-12 program, dapat isama sa co-curricular activity sa public elementary and high schools.

Kasama rin sa bill ang panukala na bumuo ng national helpline for drug abuse kung saan ire-refer ang mga drug users sa mga rehabilitation centers o pagkakaloob ng agarang paramedic response sa mga emergency cases.

Ayon kay Angara, “kung ang mga batang mag-aaral ay may sapat na kaalaman tungkol sa masamang epekto ng droga, malaki ang tsansa na maililigtas natin sila sa posibleng pagkalulong sa illegal drugs hanggang sa kanilang pagtanda.”

Habang wala pang desisyon kung ipatutupad ang panukala ng PDEA, dapat muling simulan ang paglulunsad ng massive information campaign, mag-ikot sa mga paaralan at magtulungan ang PDEA at Dep-ed para mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga kabataan sa masamang epekto ng paggamit at pagtutulak ng droga.