metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: DOH pinag-iingat sa ‘Denggoyvaxx’ part 2

62

Sinimulan kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa pagbili ng Department of Health ng dengvaxia vaccine.

Sa ilalim ng liderato ni dating Health Secretary Janet Garin naisara ang deal ng gobyerno at ng Sanofi Pasteur sa halagang P3.5 Billion.

Ayon kay Senator Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee, wala pa siyang balak ipatawag sa ngayon si dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sesentro muna ang mga imbestigasyon kung paano ang naging proseso ng DOH sa pagbili ng naturang vaccine, saan kinuha ang P3.5B na pondo na mabilis nai-released ng DBM at bakit minadali ang purchase ng mga bakuna nang hindi pa 100-percent ang resulta ng clinical test nito.

Sa panig ni Senator JV Ejercito, chairman ng Committee on Health, mahalaga na malaman ang naging proseso ng DOH dahil hindi anya biro ang napakalaking pondo na inilaan sa anti-dengue program ng ahensiya.

Giit ni Ejercito, mas importante na alamin ng DOH at i-monitor ang kalagayan ng mahigit 700,000 Grade 4 students na naka-avail ng 1st shot ng dengvaxia vaccine.

Sa kabila ng kontrobersiya, nakalinya pa rin ang public vaccination program ng DOH sa 2018.

Sa data ng DOH, aabot sa P7.4-billion ang pondong ilalaan ng DOH sa ibat-ibang uri ng bakuna na bibilhin.

Doble ang halaga nito sa biniling dengvaxia vaccine ng nagdaang Aquino administration.

Binigyang diin ni Senate President Protempore Ralph Recto, dapat tiyakin ng DOH na hindi na mapagpa-praktisan ang ating mga kababayan lalo na ang mga bata at sanggol sa mga gamot at bakuna na hindi pa tiyak ang bisa.

Sa ilalim ng 2018 public vaccination program, target ng DOH ang full immunization ng 2.7 million infants.

Sa kabuuang bilang, 1.4 million na mga sanggol ang bibigyan ng pneumococcal vaccine.

Tuturukan din ang mga sanggol ng Japanese Encephalitis vaccine.

Layunin ng DOH na ma-cover sa susunod na taon ang full immunization ng mga sanggol laban sa Hepatitis, Polio, Pneumonia, Measles, Mumps at Rubella.

2.1 million Grade 1 at 1.7 million Grade 7 pupils ang target ng DOH na mabigyan ng anti-Tetanus-Diptheria at measles vaccines.

Ibibigay din ang Tetanus vaccine sa 2.7 million pregnant women, 1.2 million flu shots at 1.3 million penumococcal vaccines sa mga senior citizen.

Ayon kay Recto, di biro ang ilalaan na 7.4-billion pesos na kukunin mula sa taxpayers kaya dapat masiguro na hindi masasayang ang pondo at hindi malalagay sa panganib ang kalusugan ng publiko.

Binigyang diin ni Recto, “if there’s one lesson to be learned from the “Denggoyvaxx”, it is that Filipino children should not be made guinea pigs again”.