metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Diversionary tactic?

116

Bungad ng 2018, tumaas ang presyo ng produktong petrolyo. Tulad ng inaasahan may domino effect sa presyo ng basic commodities. Di pa naman dapat maaapektuhan ang presyo ng mga bilihin dahil ang latest oil price hike ay di pa naman resulta ng TRAIN law.

Kasabay ng mga dagdag na buwis na papasanin ng mamamayan, umugong din ang cha-cha kaya lumutang ang mga scenario ng no election at term extension.

Sa usapin ng cha-cha, dahil maagang pinalutang ang no-el scenario at term extension, malabong umusad ang panukalang pagpapalit sa sistema ng gobyerno dahil ngayon pa lang kitang-kita ang agenda ng ilang mambabatas na pang-personal lang na interes.

Mabilis din kinontra ng ilang Senador ang cha-cha dahil mahabang proseso at hindi agad-agad matatalakay ang panukalang shift sa federal form of government.

Sabi ng ilang Senador, malabong umusad ang cha-cha dahil sa Mayo, inaasahan ang impeachment trial kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Magiging abala ang Senado bilang impeachment court.

May mga puna rin ang ilang sektor na ill-advised ang Pangulo, hindi pinag-aralang mabuti ang batas at na-etche pwera umano ang kapakanan ng mga mahihirap.

Kung pag-aaralan daw kasi ang TRAIN law, kahit may mga magandang probisyon ang batas gaya ng pagtaas ng take-home pay ng mga maliliit ang sahod, mas pinaboran pa rin ang mga mayayaman sa maraming probisyon ng naturang batas.

Hindi maaalis na humanap ng paraan ang gobyerno para mapondohan ang Build, Build, Build projects ng Duterte administration pero may ibang paraan kaysa panibagong buwis ang ipapataw .

Kabilang dito ang effective tax collection ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs at sabayan ng makatotohanang kampanya laban sa smuggling.

Ano nga ba ang mga kongkretong aksiyon ng mga concerned government agencies sa impact ng TRAIN law?

Tulad ng bubuuing implementing rules and regulations ng TRAIN law, dapat prayoridad ang safeguards para sa consumers laban sa pagsasamantala ng ilang mga negosyante.

Mapagbibigyan ba ang hirit na subsidy sa mga pinakamahihirap na mamamayan?

Sino ang mag-i-identify at ang mga nakikinabang ba sa 4p’s ang sila rin mabebenepisyuhan?

Hahayaan ba ng gobyerno na agad simulan ang 2nd tranche ng TRAIN law samantalang sa batas na napagtibay lang noong December, marami nang reklamo at pang-aabuso.

May mga nagsasabi naman na baka diversionary tactic ang cha-cha para hindi masyadong umalma ang mamamayan sa impact ng mga panibagong buwis.

Pero kapag dagdag na buwis ang pag-uusapan, hindi mapagtatakpan ang kahit anong malaking isyu sa kumakalam na sikmura at kumo-konting budget ni Juan dela Cruz.