metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Diplomatic blunder

184

Dahil naging malaking isyu ang ginawang “rescue mission” ng ilang Philippine embassy officials sa Kuwait, dapat maging leksiyon ito sa mga taga-gobyerno na maging sensitive sa paggamit at pag-upload ng mga video sa social media.

Matapos ang iresponsableng pag-upload ng video habang isinasagawa ang “rescue mission” sa ilang distressed ofw’s sa Kuwait, nalagay ngayon sa alangin ang amnesty program na ipinagkakaloob ng Kuwaiti government.

May mga protocol na sinusunod sa ganitong mga sitwasyon kahit puno ng emosyon ang ilan nating mga kababayan dahil sa dami ng mga report at kaso ng pang-aabuso sa ilan nating mga domestic service workers sa naturang bansa.

Ayon kay Toots Ople ng Blas F. Ople Policy Center, isang NGO na patuloy na tumutulong sa mga ofw’s, kailangan ang courtesy sa host country.

Paliwanag ni Ople, kahit sa atin ito gawin, hindi maiwasan na sasama din ang loob ng ating pamahalaan dahil tila ito’y pamba-bastos. Wala naman anyang masama sa koordinasyon lalo na’t maayos naman ang diplomatic relations ng dalawang bansa.

Dagdag pa ni Ople, kailangan ipatupad ang caution dahil prayoridad ang kaligtasan ng mga ofw’s at kahit maliit na pagkakamali ng ating mga opisyal doon ay posibleng maging daan para gipitin ang ating mga kababayan.

Unang-una hindi kailangan i-upload ang video ng rescue mission na batay sa report ay mismong nanggaling sa ilang opisyal ng gobyerno.

Mas marami pang distressed ofw’s ang maililigtas kung naging matahimik ang operasyon nang hindi na-o-offend ang host country.

Sa kabilang banda, hindi masisisi ang agresibong pagkilos ngayon ng mga Philippine embassy personnel sa Kuwait.

Matatandaan, pinupuna ang kabagalan ng ating mga diplomatic officials na aksiyunan ang maraming kaso ng mga ofw’s sa Kuwait na biktima ng pang-aabuso.

Pinagbuntunan din ng sisi ang mga ito dahil pagkalipas pa ng isang taon bago nadiskubre ang bangkay ni Joana Demafelis sa loob ng isang freezer sa kabila ng apela ng pamilya nito noon pang 2017.

Nangako naman ang Malacanang na aaksiyunan ng Presidential Communications Operations Office ang pagrepaso sa mga policy sa paggamit ng social media ng mga opisyal ng gobyerno para maiwasan ang mga panibagong diplomatic blunder.