metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Digong’s magic

249

Sa last two days ng filing ng certificate of candidacy, lumantad ang mga “bagong-lumang” kandidato na gustong magbalik muli sa Senado.

Sumulpot si dating DILG Secretary Mar Roxas, dating Senator Jinggoy Estrada, dating Senator Bong Revilla kung saan ang kanyang maybahay na si Lani Mercado ang nag-file ng kanyang c-o-c, dating Senate President Juan Ponce Enrile, dating Senators Pia Cayetano at Serge Osmena at iba pa.

Dahil sa humaba na ang listahan ng mga kilalang personalidad, lalong sumikip ang labanan sa pagka-Senador lalo na’t labing-dalawa lang ang ihahalal sa 2019 midterm elections.

May advantage ang pitong reelectionist Senators na sina JV Ejercito, Sonny Angara, Grace Poe, Cynthia Villar, Koko Pimentel, Bam Aquino at Nancy Binay. Pero sa pagsulpot ng mga pangalan na kilala na at dati nang naglingkod sa Senado, baka magbago ang komposisyon.

Kung makasisiguro ng slot ang pitong reelectionist Senators, lima na lang ang matitira para makumpleto ang dose na ibobotong Senador.

Posibleng may malaglag sa pitong reelectionist at ang pito o limang slot ay pag-aagawan ng mga katulad nina Roxas, Enrile, Revilla, Estrada, Governor Imee Marcos at iba pang kilalang mga pangalan.

Ang tanong, may pwesto pa ba para sa mga “manok” ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Special Assistant to the President Bong Go at dating PNP Chief Bato dela Rosa?

Mismong si Pangulong Duterte ang kasama ni Go nang mag-file ng c-o-c sa Comelec. Maraming mensahe ang gustong ihatid ng Pangulo sa personal na pagsama kay Go.

Sa mga speech ni Pangulong Duterte hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa abroad, laging may casual mention sa posibleng pagkandidato ng kanyang “most trusted aide”.

Ang pagsama ng Pangulo sa Comelec ay mensahe sa mga taga-suporta at mga naniniwala sa administrasyon na bigyan ng pagkakataon si Go sa nalalapit na Senatorial elections.

Makakasama kaya sa natitirang pito o limang slot ang pangalan nina Go at dela Rosa para maiboto sa 2019?

Sa mga nakalipas na survey, kahit medyo bumaba ang satisfaction rating ng Pangulo, nananatili pa rin itong mataas. Ang kumpiyansa pa rin ng publiko sa Pangulo ay magde-deliver kaya ng boto sa kanyang mga kandidato lalo na kina Go at dela Rosa?

Kung Malacanang ang tatanungin, inaasahan na makatutulong sa survey nina Go at dela Rosa ang binibigay sa kanilang suporta ng Pangulo.

Kunsabagay, matagal pa ang kampanya at aabangan kung eepekto ang magic ni Pangulong Digong.