metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Di lang isapubliko, kasuhan din…

237

May mga idadagdag pa ang Malacanang sa kasalukuyang narco list na hawak ng Philippine Drug Enforcement Agency kaya naudlot muna ang pagsasapubliko ng PDEA.

Sa statement ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi pa panahon na isapubliko ang narco list. Hindi rin dapat madaliin para lang ihabol at magsilbing bababala sa mga botante habang nalalapit ang May 14 Barangay at SK elections.

Sa listahan ng PDEA, umaabot sa 211 barangay officials ang umanoy sangkot o protektor ng iligal na droga.

Kabilang dito ang mga binabanggit ni Pangulong Duterte na mga opisyal ng barangay na noon pa niya dapat ibinulgar habang kasagsagan ng pinalakas na kampanya sa war on drugs.

Sabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, sumailalim sa masusing evaluation ang narco list at hindi lang base sa mga alegasyon ang mga nakuha nilang impormasyon.

Sa unang plano ng PDEA, ilalabas ito ilang araw bago ganapin ang Barangay at SK elections para magsilbing babala sa mga botante na huwag ng bigyan ng pagkakataon na mahalal ang mga may kinalaman sa pagpapakalat ng iligal na droga sa kanilang mga barangay.

Suportado rin ng mga Senador ang hakbang ng PDEA dahil karamihan sa illegal drug operations ay nagsisimula sa barangay gaya ng pagtutulak at mga bahay na nagsisilbing drug laboratory.

Pero ayon kay Senate President Koko Pimentel, kung verified ang impormasyon ng PDEA, bakit hinintay pa ang pagdaraos ng Barangay at SK elections para ito isapubliko?

Sabi ni Pimentel, mas mapalalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs kung may mga sinampolan nang barangay officials.

Kung mas naging maaga din ang pagsasapubliko sa pangalan ng mga ito, sinabi ni Pimentel na mabibigyan ng pagkakataon ang mga isinasangkot na malinis ang kanilang pangalan kung walang katotohanan ang alegasyon laban sa kanila.

Dagdag pa ni Pimentel, mas lalong bibigat ang listahan ng PDEA kung gagamitin itong basehan ng Department of Interior and Local Government sa pagsasampa ng kaso laban sa ilang barangay officials.

Sa kabilang banda, nakatulong din ang nabitin na announcement ng PDEA dahil mas maraming impormasyon ang nakararating ngayon sa ahensiya mula sa mga concerned citizens.

Di man ito maihabol bago ang Barangay at SK elections, ang mahalaga, verified ang impormasyon at matitibay ang mga ebidensiya para di na naman ma-teknikal ang PDEA.