metromanila.politics.com.ph

Milky B. Rigonan: Death penalty by December?

118

Aarangkada na ang debate at talakayan sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Kung noon ay hindi prayoridad ang death penalty sa ilalim ng liderato ni dating Senate President Koko Pimentel, iba ang posisyon tungkol dito ni Senate President Tito Sotto.

Binigyan na ni Sotto ng go signal si Senator Manny Paquiao, principal sponsor ng death penalty bill para matalakay ang panukala at umusad ang debate sa plenaryo.

Pasado na ang death penalty bill sa Kamara na may kinalaman sa drug related offenses pero naging mabagal ang pagtalakay dito ng Senado.

Bukod kay Paquiao, pabor din si Sotto na maibalik ang parusang kamatayan sa bansa pero dapat sumentro lang sa bigtime drug traffickers.

Titiyakin ni Paquiao na masisimulan na ang mga hearing kahit magiging busy ang mga Senador sa paghimay sa proposed 2019 national budget.

Inaasahan din na magiging madugo ang talakayan dahil sensitibong isyu kung ibabalik ba o hindi ang death penalty sa Pilipinas.

Tinaya din ni Sotto na baka mas madaling maipapasa ang death penalty bill kung ang pag-uusapan ay pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa drug trafficking.

Sa bersiyon kasi ng bill ni Paquiao, bukod sa drug trafficking, ipinapanukala din ng Pambansang Kamao na patawan ng parusang kamatayan ang mga nahatulan ng rape with murder, robbery with murder at kidnap for ransom.

Kung hindi pa nagbabago ang bilang, 13 Senators ang tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.

Kabilang dito ang mga taga-Liberal Party na sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan at Bam Aquino kasama sina Senator Antonio Trillanes IV at Senator Risa Hontiveros ng Akbayan.

Naniniwala ang LP na hindi sagot ang reimposition ng death penalty sa paglutas sa mga heinous crime kundi dapat mabago ang judicial system sa bansa.

Bukod naman kina Sotto at Paquiao, pabor din sa reimposition ng death penalty sina Senators Cynthia Villar, JV Ejercito at Sherwin Gatchalian.

December tinaya ni Paquiao na baka maipasa ang death penalty bill. Pero depende ito kung magiging mabilis ang mga hearing at kung nagbago na ang komposisyon ng mga Senador na pabor o tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Siyempre, pupulsuhan din ng mga reelectionist Senators kung ano ang posisyon ng taongbayan kung papaboran o hindi ang pagbabalik ng death penalty.

Kabilang sa liligawan ng mga ito ang boto ng mga Katoliko lalo na’t malinaw na kontra ang Catholic Church sa pagbabalik ng parusang kamatayan.

Pero iba rin kung may direktiba ang Palasyo na aksiyunan na ang panukala dahil isa ito sa mga priority bill ng Duterte administration.

Kakayanin kaya bago mag-Dember?