Saturday, December 16, 2017
politiko-politics-ph-logo

Milky B. Rigonan: Dapat may managot

Bukod sa pagpapahinto sa dengue vaccination program ng Department of Health, dapat may managot, may makasuhan sa implementasyon ng naturang programa.

Ang dengue immunization program ng DOH sa ilalim ng nagdaang Aquino administration ang may pinakamalaking pondo na inilaan ang ahensiya.

Umaabot ito sa P3.5-billion at inilunsad sa panunungkulan ni dating Health Secretary Janet Garin.

Naging kontrobersiyal pa ang naturang programa dahil binigay ni Garin ang go signal na simulan ang mass immunization sa mga batang mag-aaral sa buong bansa kahit tutol ang maraming medical experts.

Giit ng mga eksperto, hintayin muna ng DOH na makumpleto ang pag-aaral kung epektibo kontra dengue ang Dengvaxia vaccine.

Sa ilalim ng pamumuno ni Garin, itinuloy ang programa at naging “experiment” ang 733,000 public school students nang mabakunahan ng isa sa tatlong doses ng Dengvaxia vaccine.

300-million vaccines ang nabili at umaabot sa 500,000 ang nakaimbak sa Research Institute for Tropical Medicine at sa iba pang regional centers ng DOH.

Ang naturang mga vaccine ay mag-e-expire sa August 2018.

Last week, inamin ng Sanofi Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia vaccine na magreresulta ng “severe disease” ang mga nabakunahan kung hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Dahil dito, sinuspindi ni Health Secretary Francisco Duque ang dengue immunization program na sinimulan na sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon areas kasabay ang pagrepaso sa kontrata ng DOH sa Sanofi.

Habang panay ang sabi ni Garin na naaayon sa rekumindasyon ng World Health Organization ang dengue vaccination program ng DOH, papaano na ang mga inosenteng mag-aaral sa posibleng health risks?

Dapat managot si Garin dahil sa ilalim ng kanyang administrasyon sinimulan ang naturang programa.

Malaki din ang pananagutan ng Sanofi, at bakit ngayon lang nila inamin ang panganib ng Dengvaxia vaccine.

Bayad na ng buo ang Sanofi sa halagang P3.5-B kaya karapatan nating mga taxpayer lalo na ang mga magulang ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia kung ano ang pananagutan ng mga dating opisyal na nag-implement ng naturang programa.

Eeksena ang Senado para imbestigahan ang pagbili ng DOH ng dengue vaccine.

Ang kumite ni Senator JV Ejercito, chairman ng Committee on Health ang mag-iimbestiga kasama ang Blue Ribbon Committee ni Senator Richard Gordon.

Sabi ni Ejercito, bukod sa kanyang kumite, mahalagang mabusisi ng Blue Ribbon Committee ang pananagutan ng DOH sa ilalim ng pamumuno noon ni Garin dahil bukod sa kalusugan ng mga mag-aaral, malaking pondo ng taongbayan ang ginamit sa naturang programa.

Ilan sa mga tanong na dapat malinawan sa Senate investigation, bakit nagmamadali noon ang DOH sa pagbili ng dengue vaccine gayung hindi pa kumpleto ang pag-aaral dito kung epektibo ba kontra dengue.

Mas nanaig ba ang bilyones na halaga ng procurement kumpara sa kaligtasan at kalusugan ng libo-libong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan?

Politiko would love to hear your views on this...

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Politiko Poll

Quick Links
Connect With Us
Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.